Koreanong wanted sa pangingikil arestado sa Pasay

Dinampot ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Koreano na wanted ng mga awtoridad sa Seoul, South Korea dahil sa pangingikil.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang 46-anyos na si Kim Tae Young na inaresto noong Biyernes sa Diosdado Macapagal Blvd. sa Pasay City ng pinagsanib na puwersa ng Fugitive Search Unit (FSU) at National Bureau of Investigation Special Action Unit (NBI-SAU).

Ayon kay Morente, inaresto ang dayuhan sa bisa ng mission order sa kahilingan ng South Korean authorities habang pinoproseso ang kanselasyon ng kanyang pasaporte upang maayos na ang kanyang deportasyon.

“He will thus be deported for being an undesirable and undocumented alien, Kim’s continued stay in the country poses a risk to public safety and security,” sabi ng BI chief. (Mina Aquino)