Ni DOLLY CABREZA

Bumagsak hanggang masawi ang isang 52-anyos na kostumer habang nakapila sa cashier ng Jollibee sa Barangay E. Rodriguez, Quezon City, Sabado nang hapon.

Kinilala ni P/Captain Juan B. Mortel, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktima na si Henry Villabona Penolbo, may-asawa, at residente ng Brgy. Pleasant Hills, Mandaluyong City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon naganap ang insidente sa loob ng food chain, dakong alas-4:45 nang hapon.

Abala umano si Aljon Cabadido manager ng food chain sa pagsisilbi sa kanilang mga kostumer nang makita ang biktima na bigla na lang tumumba habang nakapila sa customer line.

Agad namang inasistihan ang biktima ng mga crew ng nasabing food chain kasama gayundin ang isang nurse na kostumer din at binigyan ng first aide ang walang malay na biktima.

Naisugod pa ang biktima sa East Avenue Medical Center, subalit binawian din ng buhay dakong alas-6:08 nang gabi, ayon sa attending physician.
Hinala ng pulisya, posibleng inatake sa puso at nahirapan huminga ang biktima kaya bumagsak ito at tuluyang namatay.