Kotongerong LGU, pulis sa checkpoint ‘di sasantuhin ng DILG, AFP

Pinaalalahan ng Malacañang ang mga local executive at mga pulis na nagmamando sa checkpoint na huwag gumawa ng mga dahilan para hindi malagay sa alanganin.

Inihayag ito ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles matapos matanggap ang sumbong na nakaranas umano ng extortion ang ilang nagdadala ng produkto na dumadaan sa mga checkpoint.

Pinagkakakitaan din umano ng ilang opisyal ng barangay ang iniisyung quarantine passes gayong dapat ay libre ito at walang bayad.

Sinabi ni Nograles na ipinarating na kay Department of Interior and Local Government (DILg) Secretary Eduardo Año at sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang reklamo ng publiko sa naging karanasan sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Sinabi ni Nograles na pinakamabigat na parusa ang ipapataw ng gobyerno sa mga mapapatunayang nang-aabuso sa kasalukuyang sitwasyon.

“The DILG and The PNP are our enforcers and will handle the reports of abuse in the LGUSs and barangays. Just a reminder,in a state of calamity, the maximum penalty can be meted out to abusers,” ani Nograles.

Nitong weekend ay kumalat sa social media ang larawan ng quarantine pass na pinabayaran ng mga opisyal ng barangay sa lalawigan ng Rizal.(Aileen Taliping)