Kotse ng LTO off’l kinarnap ng 2 bebot

Pinaghahanap ngayon ng Cavite police ang dalawang babae matapos na ireklamo ng isang mataas na opisyal ng Land Transportation Office (LTO) nang hiramin ang kanyang sasakyan at hindi na sinoli sa Tagaytay City.

Kasong carnapping ang isinampa ngayon laban kina Claire Pangilinan at Edilyn Ligad, at kapwa residente ng Monteluce Condominium Room 326 Kilometer 48 E. Aguinaldo Highway, Lalaan 1st Silang, Cavite dahil sa reklamo ni Gamaliel Clemente, 38, may-asawa, LTO Administrator, Tagaytay at taga-Barangay Mendez Crossing East, Tagaytay City.

Sa reklamo ni Clemente kay P/MSgt. Jude Camitan, ng Tagaytay City Police Station (CPS), hiniram ng dalawa ang kanyang itim na Toyota Vios na may conduction sticker na A7A984 dakong alas-9:00 nang umaga noong Hunyo 17 na gagamitin umano sa may sakit na anak sa Manila. Dahil kapanalig naman umano ang dalawa ay hindi nag-atubili ang biktima.

Gayunman, nakalipas na umano ang ilang araw ay hindi pa rin sinosoli ng dalawa ang sasakyan kaya tinawagan niya ang mga ito subalit un-attended na ang kanilang cellphone kaya pinuntahan niya sa kanilang address subalit hindi na rin sila matagpuan dahilan upang personal nang magtungo sa Tagaytay CPS ang opisyal at inireklamo ang dalawa. (Gene Adsuara)