Kotse sumalpok sa trak, 4 todas

Apat ang patay samantalang isa ang kritikal matapos bumangga ang isang kotse sa ten-wheeler truck sa MaharĀ­lika Highway, Gumaca, Quezon Biyernes ng madaling-araw.

Ayon sa Gumaca police, lahat ng biktima ay sakay sa Mitsubishi Mirage na patungong Maynila galing ng Bicol.

Kinilala ang mga nasawi na sina Joseph Dumlao, 33, driver ng kotse, at ang magkakapamilyang pasaherong sina Rozalie Soldevilla, 35; Raquel Soldevilla, 42; at Rodolfo SoldeviĀ­lla, 70, pawang taga-Tabuk City, Kalinga.

Isinugod pa sa Gumaca District Hospital ang mga biktima subalit idineklarang dead-on-arrival ang apat.

Nilalapatan pa ng lunas at nasa malubhang kalagayan ang isa pa sa mga sakay ng kotse na si Roxanne Soldevilla, 25-anyos.

Nangyari ang aksidente sa Brgy. Panikihan bandang alas-4:35 ng umaga.
Magkasalubong umano ang kotse at ang nakasalpukang ten wheeler truck na minamaneho ni William Pelareja, nang sakupin ng kotse ang linya ng truck kaya naganap ang head on collision.

Sa lakas ng pagkakasalpok, wasak ang unahan ng kotse.

Posibleng natutulog ang mga pasahero kaya humampas ang mga ito sa bahagi ng sasakyan.

Ayon sa pulisya, posible ding inantok ang driver ng kotse kaya nawala ito sa tamang linya. (Ronilo Dagos)