May posibilidad umano na maapektuhan ang kredibilidad ng pork barrel scam witness na si Benhur Luy dahil sa ginawang rekomendasyon ng Office of Solicitor General (OSG) na maipawalang sala si Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention.
Inamin ni Atty. Raymond Joseph Ian Mendoza, abogado ni Luy, na nasorpresa sila sa ginawa ng OSG.
“We have yet to see these documents, kung may order ba talaga ‘yung Court of Appeals. Kasi nagulat po kami dito sa manifestation. Pagkakaalam po namin nag-file na ng appellants’ brief, and then appellee’s brief so bigla namang lumabas ang manifestation na ito,” ayon kay Mendoza.
“Kami naman we want to see if this can become privy to any order given out by the Court of Appeals,” dagdag pa ni Mendoza.
Sinabi rin ni Mendoza na posibleng magkaroon ng implikasyon sa kredibilidad ni Luy ang hakbang ng OSG depende kung papaano titingnan ng Court of Appeals (CA), ang manifestation.
“It can be questioned, ‘yung credibility… Kung dito ay ma-question dahil dun sa magiging desisyon then, maaaring gamitin ‘yan ng kalaban,” sambit pa ni Mendoza.
Ginawa ng OSG ang hakbang base sa testimonya ni Fr. Peter Edward Lawin.
Hindi naman umano kinuwestiyon sa manifestation ang statement ni Luy sa Priority Development Assistance Fund scam case.
Una nang ipinagtanggol ni Solicitor General Jose Calida ang kanyang hakbang sa paniniwalang hindi ginawa ni Napoles ang krimen base sa mga sirkumstansiya.
Iginiit din ni Calida na walang naganap na deal sa pagitan ni Napoles at ang hakbang ay walang kinalaman sa kaso niya sa PDAF scam.
Sinabi pa ni Calida na hindi dapat maging bulag sa hustisya at ang pinag-uusapan lamang ay ang Rule of Law.