Krimen kapalit ng P8B kita sa mga POGO

Sunod-sunod ang insidente ng kidnapping ngayon, karamihan dito sa Metro Manila.

Base sa mga report, walang Pinoy na biktima ng kidnapping kundi mga Chinese national laban sa kapwa nila Chinese national.

Karamihan ay baon sa utang dahil sa casino o pagsusugal kaya ang modus, dinudukot ang mga ito ng kanilang kapwa Chinese national at tinutubos sa pamamagitan ng ransom.

Pero kahit Chinese national ang mga biktima, hindi ito puwedeng balewalain ng mga concerned government agency lalo na ang Phi­lippine National Police.

Kahit papaano, nagre-reflect ito sa peace and order situation sa bansa.
Umaapela ang mga senador sa pangunguna ni Senator Joel Villanueva, chairman ng committee on labor and employment na ipatupad muna ang moratorium sa pag-iisyu ng permit o lisensiya sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Sa Makati, inutos ni Mayor Abby Binay na suspindihin ang pag-iisyu ng permit hangga’t hindi naaayos ang regulasyon tungkol dito.

Sabi ni Villanueva, sana ganito rin ang gawin ng iba pang mga lokal na pamahalaan bukod sa Makati City.

Sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, tinatayang P8 bilyon ang makokolekta ng gobyerno mula sa licensing fee at royalty ng mga POGO bago matapos ang 2019.

Pero base sa pag-aaral, higit pa ang makokolekta ng gobyerno kung lahat ng mga POGO na nag-o-operate sa bansa ay nagbabayad ng buwis.

Sapat din ba ang kinikita ng gobyerno sa POGO industry kapalit ng kaliwa’t kanang problema tulad ng kidnapping, pandaraya sa buwis, pagsulpot ng mga prostitution den maging ng illegal drugs?

Ang POGO problem ay resulta ng kapaba­yaan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng Bureau of Immigration.

Bakit hinayaan na dumagsa sa Pilipinas ang mga illegal Chinese worker at bakit napa­kaluwag ng pag-iisyu ng permit para pansamantalang makapagtrabaho ang mga ito sa bansa hanggang nanatili na ang mga ito sa bansa at sangkot sa ilang illegal activity?

Patunay ito ng kawalan ng maayos at mahigpit na regulasyon laban sa pagpasok ng mga illegal foreign worker.

Aanhin ang P8 billion na kita sa POGO industry kung kapalit nito ay mga karahasan ng mga dayuhan na dito ginagawa sa ating bansa.