Krimen sa isang krimen

Bago to by JB Salarzon

Napakasamang repu­tasyon at imahe na para sa ating Philippine National Police (PNP) ang idinudulot ng marahas at madugong kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Nababansagan na ang ating mga pulis na “trigger happy”, “hitman” o “rogue” sa tuwing nakikitaan ng “foul play” ang resulta ng kanilang operasyon lalo na kung may napapatay dahil ang target o suspek ay nanlaban o umano’y nanlaban.

Dapat lamang na masugpo ang droga, ang “narco-politics” sa ating bansa.

Oo nga’t iilan lamang ang pulis na gumagawa ng hindi tama, pero sa sobrang dami at dumarami pang nasasangkot ay nakakaalarma na. “One too many,” wika ng mga eksperto.

Hindi lingid sa kaala­man ng publiko na ang ilan sa mga matitinding kalaban sa problema ng droga sa ating lipunan ay halal o nanunungkulan mismo sa gobyerno. Ang mga tiwali at korap na ito ang nagsisilbing protektor ng mga taong nagpapagalaw sa sindikato ng multi-bilyong piso na negosyo ng ilegal na droga.

Ang matindi ay ang pagtatanim ng ebidensiya para palabasing lehitimo ang madugong operasyon laban sa isang suspek patay man o buhay.

At ang kasunod nito ay ang pagtatahi ng kasinungalingan para pagtakpan ang nangyaring krimen sa proseso ng implemetasyon ng batas sa isang sitwasyon kung saan kailangang mapigilan ang nagaganap na krimen.

Nakakadismaya ang tinuturan ng ilang opisyal­ ng PNP, halimbawa, sa kaso ng 17-anyos na si ­Kian Lyod delos Santos. At eto naman ngayon ang kaso ni Carl Angelo Arnaiz, 19.

Ang isinasangkot sa mga kasong ito ay mula police officer 1 (PO1), bagito sa serbisyo, hanggang chief superintendent (one star general kung sa military). Kasong krimi­nal (pagpatay) at sari-sa­ring administratibo ang kinasasadlakan ngayon ng mga pulis na ito.

Hindi ganitong imahe at ehemplo ang gusto na­ting makita na pulis, lalo na para sa mga bata at kabataan na sa ayaw at gusto ay kailangang maturuang respetuhin, galangin at suportahan ang ating kapulisan dahil sila ang tagapagtanggol at saklolo ng mamamayan laban sa krimen.

Pero kung ang isang pulis ay sadyang pumapatay at nagtatanim ng ebidensiya laban sa isang suspek at magtatahi ng kasinungalingan pagkatapos para palabasing lehitimo at swak sa mandato ang kanyang ginawa, siya ay hindi pulis tagapagtanggol kundi masahol pa sa isang kriminal.

Hindi puwedeng ito ang bagong normal o bagong sistema ng PNP na ipamalas, ituro at itanim sa isip ng ating mga kabataan. Hindi puwede ang imahe ng isang pulis na pumapatay ng tao na walang kalaban-laban, bata man o matanda.

“We serve and protect,” ‘yan ang pilosopiya ng PNP. Ito ang tunay na imahe ng ating mga pulis. Hindi pinandidirihan, hindi kinakatakutan.

Matindi ang mga ha­mon na kinakaharap ng PNP. Dapat hindi mawalan ng focus sa kanyang misyon na sugpuin ang ilegal na droga, ilegal na sugal at lahat ng klase ng krimen.

Paigtingin din ni PNP chief General Ronald dela Rosa ang inumpisahan nitong paglilinis ng mga tiwali at korap sa kanilang hanay na parang anay na bumabakbak sa pondasyon at integridad ng unipormadong institusyon.

Sabi nga ni Pangulong Rodrigo Duterte, “corrupt to the core” ang PNP!

Wa-epek ba ito sa ating kapulisan?

[jbsalazon@yahoo.com, http://facebook.com/jbsalarzon]