NOONG Martes ng hapon ang story conference ng Impostora, ang remake ng dating primetime series ng GMA 7 na ngayon ay gagawing afternoon series na.
Si Kris Bernal ang bida sa Impostora at aminado ang Starstruck alumna na isang taon ding inabot ang negosasyon niya sa mga taga-Kapuso network bago sila nagkasundo at pumirma uli siya ng management contract sa GMA Artist Center.
Sinamahan namin si Assunta de Rossi na kasama sa cast ng Impostora noong story conference nila, kaya nang makita namin si Kris, kaagad namin siyang inusisa kung ano ang masasabi niya sa tsikang buntis nang tatlong buwan si Kylie Padilla at ang ama ng dinadala nito sa sinapupunan ay ang dating ka-loveteam niya na si Aljur Abrenica.
“Umamin na ba sila? Buntis ba talaga? Hindi ko naman kasi alam kung totoo. Hindi rin kami nagkakausap ni Aljur,” sey ni Kris na mukhang hindi sure sa tsikang buntis ang fiancee ni Aljur.
Biniro na lang namin si Kris tungkol sa kanyang lovelife dahil blooming siya ngayon.
“O, baka naman may naghihintay na naman sa parking sa ‘yo, ha?!” pang-uusisa namin at natawa lang siya at sinabing, “Wala!”
Noong araw kasi na pumunta siya sa bahay nina Annabelle Rama at nakipagtsikahan sa amin, kahit sobrang tagal namin ay may isang kasama pala siya na naghihintay sa kotse.
That time, karelasyon niya ang isang aktor na hindi na namin papangalanan na matiyagang naghihintay sa kanya sa loob ng kotse kapag may mga lakad siya.
***
Kung type n’yong mag-“stargazing” tuwing weekend, magandang pumunta sa Promenade Mall sa Greenhills, San Juan dahil marami kang makikitang celebrities.
Noong Linggo, nakita na naman namin doon si Mike Enriquez at ang misis niyang si Baby. That time, katsikahan naman nila si Arnell Ignacio.
Tuwang-tuwa si Arnell nang makita si Mike, kaya tsumika-tsika muna siya sa news anchor ng GMA 7.
Nakita rin namin si Snooky Serna na inimbitahan pa kami na samahan siya at ang boyfriend niyang si Mon Villarama na mag-dinner.
Over dinner, ang tsika ni Mon ay nakita niya si Kuh Ledesma bago niya kami nakita sa lugar na ‘yon.
Anyway, binanggit namin kay Snooky ang offer ng isang political group na kumandidato siyang barangay chairman sa isang lugar sa Maynila kung saan siya registered voter.
Sabi ni Snooky, wala sa isipan niya ang pasukin ang pulitika kahit sa barangay level lang.
Tila mas gusto ni Snooky na mag-concentrate na lang sa pag-aartista dahil ‘yon ang buhay na nakasanayan na niya.
Obvious na sobrang happy ngayon si Snooky sa piling ni Mon at feeling namin, mauuwi sa kasalan ang relasyon nila!