Naglabas na ang Taguig City Prosecutor ng resolusyon kaugnay sa mga kasong estafa through misappropriation and conversion at paglabag sa Access Devices Regulation Act na isinampa ni Kris Aquino laban sa kanyang dating business partner na si Nicko Falcis.
Nakitaan umano ng probable case ng prosecutor ang kasong isinampa laban kay Falcis, ayon sa law firm ng aktres.
“The Taguig-OCP found the statements of Ms. Kris Aquino as credible and the evidence she adduced as sufficient to establish a prima facie case that Nicko Falcis misappropriated and converted the corporate credit card entrusted to him for his own personal expenses,” ayon sa press statement ng Divina Law Firm na siyang may hawak ng mga kaso ni Aquino laban kay Falcis.
Binanggit din umano sa resolusyon ng prosecutor na ang tsekeng personal na idineliber ni Falcis kay Aquino ay isang pag-amin ng kasalanan nito.
Ayon sa Divina Law, lumabas na rin ang katotohanan at umaasa sila na aakyat din sa korte ang iba pang kasong isinampa nila para kay Aquino laban kay Falcis para mapanagot ito sa mga ginawang krimen.
Nauna rito ay nagsampa si Aquino ng 44 counts of qualified theft laban sa kanyang dating business partner, sa pitong lungsod sa Metro Manila kabilang dito ang Quezon City, Mandaluyong, Pasig, Taguig, Makati at San Juan.