
Nilektyuran kahapon ng isang opisyal ng Malacañang ang dalawang militanteng kongresista na walang nilalabag na batas ang aktres at TV host na si Kris Aquino sa pagsakay nito sa presidential helicopter para sumama sa kapatid na si Pangulong Benigno Aquino III sa pangangampanya kay Liberal Party (LP) presidential bet Mar Roxas.
“Members of the President’s immediate family are allowed to ride with him in official government vehicles,” diin ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr.
Sagot ito ni Coloma sa batikos nina Kabataan party-list Rep. Terry Ridon at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio sa paggamit ni Kris ng presidential chopper sa pangangampanya kay Roxas.
Pinatulan ni Ridon ang mga kumakalat sa Facebook posts hinggil sa paglapag ng presidential helicopter sa Dalaguete, Cebu nitong Martes ng hapon kung saan nangampanya si Pangulong Aquino sa bayan ng Argao.
“The photos clearly have no other explanation but the brazen use of government machinery to further the campaign of Mar Roxas,” puna ni Ridon.
Nagsimulang sumama si Kris sa pangangampanya ni PNoy kay Roxas at running mate na si Leni Robredo sa Meycauayan, Bulacan noong Abril 15.
Nasundan ito sa pagtungo ni Kris sa campaign rally ni Roxas sa Borongan, Eastern Samar at sa kampanya ni PNoy at Roxas sa Calbayog City noong Lunes. (Boyet Jadulco)