WALANG pahayag ang ilang staff ng APT Entertainment kung bakit hindi natuloy ang taping ni Kris Aquino para sa bago niyang programa.

Kahit ang ilang source namin ay wala rin daw sinasabi sa kanila si Kris kung bakit hindi ito natuloy.

Dapat ay nagsimula na sila kamakalawa pero hindi pa muna.

Kararating lang nila mula Hongkong at nag-post lang ang Queen of All Media na hindi muna related sa entertainment ang aasikasuhin niya pagbalik ng bansa.

Post ni Kris sa Instagram, “Work mode starting tomorrow, (no, not entertainment work related yet-my entrepreneurial side first).”

Kahapon ay inasikaso raw nito ang Potato Corner at Nacho Bimby.

Ayon pa sa amin source, may inaayos pa sa kontrata ni Kris at maaring pinag-aaralan na ito ni Kuya Boy Abunda.

***

Nasilip namin ang episode ng Magandang Buhay kahapon at malaki na ang ipinagbago nito kumpara nu’ng nag-pilot sila.

Sa tatlong host na sina Jolina Magdangal. Karla Estrada at Melai Contiveros, si Jolina ang napapansin naming simple lang at hindi nagti-TH na maging magaling na host.

Maaring sanay na siya sa hosting job kaya kampante lang siya sa ginagawa.

Si Karla, parang nasa It’s Showtime pa rin siya. Kagaya sa episode nila kahapon kung saan nag-perform si Marion Aunor at ang tandem na Migz & Maya, nagku-comment siya sa style ng kanilang pagkanta na akala mo nasa Tawag ng Tanghalan.

Mabuti na lang at hindi siya nagkomento sa performance ni Jona dahil magaling talaga ito.

Saludo siya sa ga­ling ni Jona at puring-puri niya ito.

Hindi na siguro kailangan pa ni Karla na magbigay ng komento sa performers dahil hindi siya professional singer.

Hindi nga ito ginagawa ni Regine Velasquez sa programa niya.
Saka nakikita pa namin sa kanya ang style ng pagpapatawa ng BFF niyang si Vice Ganda.

Sa kanilang tatlo, si Melai ang medyo inferior­ pagdating sa hosting.

Halatang sumusunod lang siya sa questions na binibigay ng writers. Hindi rin maganda ang style ng pagtatanong niya na parang nakaka-offend.

Tinanong niya si Marion na okay lang ba kahit second family lang sila. Medyo masakit sa tenga ang pagtatanong niya.

Kung si Kris Aquino siguro o si Kuya Boy Abunda ang nagtanong, baka hindi nakaka-offend pakinggan.