Nag-react si Kris Aquino sa napanood na video ni Bong Go kung saan ay sinasabi nito kay Phillip Salvador na “naloko mo si Kris.”
Ang nasabing video ay kuha mula sa campaign sortie ng dating Special Assistant to the President (SAP) kung saan ay ipinagmamalaki nito ang kaibigang si Kuya Ipe (tawag kay Phillip sa showbiz).
Nagbiro ang Senatoriable na ginawa raw adopted father sa halip na adopted son ng Davao si Kuya Ipe dahil nag-iwan daw ito ng apat na anak sa nasabing syudad.
Sa video ay maririnig ang voice-over ni Kuya Ipe na “nirerespeto ko lang ang mga tao rito.”
Dagdag pa ni dating SAP kay Kuya Ipe, “totoo naman, eh. Naloko mo nga si Kris Aquino.”
It’s a known fact na dating nagkaroon ng relasyon sina Kris at Kuya Ipe at may isa silang anak – si Joshua.
Ini-repost ni Kris ang video at sa kanyang caption ay mababakas mo na nasaktan siya sa birong iyon ng kandidato.
“So much hurt deeply in the past few days. i was shown this video while in (Japan) and had actually reached out to Senatorial Candidate Bong Go because turo ng Dad ko- panindigan mo na good sport ka… i was doing a #konmari on my phone & lumabas yung video…pinanuod ko ulit.
“Yun ang pagkakamali ko, may black eye nung Friday, napangahan ng Tuesday tapos nakita ulit na punchline ako sa campaign sortie at pinagtatawanan dahil nga ‘naloko’ ako,” ang simula ng caption ni Kris.
Pagkatapos nito ay diretso na siyang nagbigay ng mensahe kay Bong Go at sana naman daw ay i-prioritize rin ang kababaihan.
“Wala po akong atraso sa inyo SAP BONG GO. i have only had good words for you pero sana sa paglilingkod nyo para sa mga Pilipino bilang Senador (i know you are a SURE WINNER), sana priority nyo rin po ang mga kababaihan,” pahayag ni Kris.
“Kris Aquino na ko pero madaling gawing “joke” na “naloko” ako ng ama ng panganay ko.
“Nagtrabaho ako, at hindi ako pinabayaan ng pamilya ko. But what about the women without financial security & family?” dagdag pa niya.
Sa huli ay sinabi rin ni Kris na nang panoorin niya ulit ang video at marinig ang tawanan ng audience ay para siyang sinampal.
“Sorry ha- minalas- nandun kasi yung ‘NALOKO’ … nakadapa na po, nung pinanuod ulit at narinig yung tawanan ng audience, isa pang sampal sa taong umaamin, matatalo sya,” pagtatapos ni Kris.
Samantala, nakarating na sa senatoriable ang hinaing ni Kris at humihingi ito ng paumanhin sa pagsasabing “no harm intented.”
***
Yul, Isko kinalaban si Erap
Sinagot ni 3rd District of Manila Representative Yul Servo kung bakit kinakalaban nila ang kapwa kasamahan sa industriya na si Manila Mayor Joseph Estrada.
Parehong tumatakbo sina Mayor Erap (for his third and final term) at dating Vice Mayor Isko sa pagka-Mayor ng Maynila at kaalyado naman ng huli si Cong. Yul na isa ring reelectionist.
Ayon kay Yul, napunta lang daw talaga sila sa ganitong sitwasyon at hindi naman ibig sabihin ay kinakalaban na nila si Erap.
Gustong-gusto raw talagang tumakbo ni Isko for Mayor noon pa na alam din naman daw ng lahat noon pa.
“Siguro nagkaroon lang ng misunderstanding ang dalawa hanggang sa lumaki nang lumaki,” sabi pa ni Yul.
Nakakalungkot din daw pero ganyan naman daw talaga sa politika at minsan kahit magkakapamilya ay nagkababangaan.
Pero sa kaso naman nila ng kapatid niyang si Apple Nieto na tumatakbo namang konsehal, hindi sila magkalaban kundi magkaalyado pa dahil iisa ang partido nila.
Umaasa si Yul na maayos naman sina Isko and Mayor Erap dahil sa politika naman daw talaga, ang maglaban ngayon,
puwedeng magkakampi bukas at ang magkakampi ngayon ay puwedeng magkalaban bukas.