Karagdagang 750,000 metric tons ng bigas ang darating sa bansa sa susunod na taon at wala nang magiging problema sa supply ng bigas sa bansa.
Ito ang inihayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol matapos ang matagumpay na isinagawang bidding para sa ii-import na 543,000 metric tons ng bigas na gagawin sa pamamagitan ng government to private companies scheme.
Samantala, 203,000 metric tons pa ang isasailalim sa bidding sa susunod na linggo na isasagawa naman sa pamamagitan ng government-to-government scheme.
Sinabi ni Piñol na ang darating na bigas ay ibebenta sa presyong P27 at P32 kada kilo.
Nabatid na 5 pribadong kompanya ang nanalo sa bidding para sa importasyon ng 543,000 metric tons ng bigas kabilang ang Capital Crops Co. Ltd. ng Thailand; Shwe Wah Yaung Agriculture Production Co. ng Myanmar; Olam International Ltd. ng Singapore; Asia Golden Rice Co. Ltd. ng Thailand at Tan Long Group Joint Stock Co. sa Vietnam.
Inaasahang darating ang in-import na bigas sa buwan ng Disyembre hanggang Enero.