Ayon sa gobyerno, kaisa ang Malacañang ng mga Filipino-Muslim sa pa­nanalangin na tuluyan na sanang matuldukan ang terorismo sa bansa lalo’t ginugunita ngayon ang panahon ng Ramadan.

Umaasa ang Duterte administration na maiiwasan na ang pagdanak ng dugo sa panahon ng pananalangin, fasting at mercy ng mga Pinoy na Muslim.

Ito rin ang hinahangad ng bawat mamamayang Filipino na magkaroon ng kabuluhan ang paggunita ng panahon ng Ramadan at ito ay panumbalikin ang kapayapaan sa Mindanao region.

Hinahangad naming kasabay sana ng paggunita ng Ramadan ay matahimik na rin ang Marawi at iba pang lugar sa bansa na pinupuntiryang pagharian ng mga teroristang grupo para paghasikan ng karahasan.

Sana ay manaig sa puso ng mga terorista lalo ng mga tinaguriang local terrorist ang pagiging tunay na mga Filipino na hindi dapat nagpapatayan dahil lamang sa magkakaibang paniniwala.

Ang dapat ay pairalin ang respeto sa bawat isa, sa bawat paniniwala upang walang pagkakawatak-watak na nangyayari sa ating mga Filipino.

Dapat isipin na tayo ay may iisang lahi kaya’t dapat na nagtutulungan tayo tungo sa inaasam nating katahimikan at tagumpay.