Krisis sa tubig ngayong tag-ulan, paanong nangyari?

Kaye Dacer

Nakakagalit naman ang panibagong krisis sa tubig na dinaranas ng mga consumer ng Maynilad at Manila Water.

Ang mas lalong nakakaimbiyerna ay ang pahayag ng dalawang water concessionaires na lalong raw tatagal ang water service interruptions dahil babawasan ulit ng National Water Resources Board ang kanilang alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam.

Ibaba raw kasi ng NWRB ang alokasyon ng concessionaires ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa 36 cubic meters per second (cms) mula sa 40 cms nga­yong araw (Hunyo 22) dahil mas mababa na ang water level ng A­ngat Dam sa 160 meters.

Wala na ba kayong ibang solusyon na magagawa sa mahabang panahong krisis sa tubig na dinaras sa Metro Manila?

Nakapagtatakang tag-ulan na ay ang krisis sa tubig pa rin ang dinaranas ng publiko. Noong tag-init o summertime maari nating palagpasin ang problemang ito.

Pero ngayong tag-ulan na, hindi na naming kayang intindihin kung bakit ito pa rin ang sakit ng ulo ng mga consumer ng Manila Water at Maynilad.

Hindi kaya diskarte lang ito para magpatupad na naman kayo ng dagdag singil ?
***
Malungkot tayo sa birahang nagaganap ngayon kasabay ng pagpili ng House Speaker.

Walang-wala sa kasalukuyang kaganapan sa Senado kung saan ay tahimik na sa pagpili ng susunod na Senate President.

Nagkaroon man ng isyu sa liderato ng Senado pero pansamantala lamang ito, hindi katulad sa Kamara na hanggang ngayon ay ayaw pa ring manahimik at umabot na sa pagkalkal sa mga nakaraan ng ilang sangkot sa isyu.

Katulad na lamang nitong si 1Pacman Party-list Rep. Mikee Romero na napupulaan dahil sa pagpapel sa pagpili ng Speaker.

Hindi naman natin masisisi si Rep. Romero na sumawsaw sa isyu dahil siya ang tumatayong Party-list Coalition Foundation Inc., President na binubuo ng may 54 miyembro.

Ang hindi lang natin kayang tanggapin ay ang usap-usapang pag-bargain diumano niya sa grupo kapalit ng makapangyarihang puwesto sa Kamara.

Ang ganitong estilo ang hate na hate ko sa mga politiko kaya sana naman ay magbago na kayo.Hindi kayo niluklok ng taumbayan para gamitin ang inyong kapangyarihan sa inyong kapritso.

At isa pang tanong papayag kaya ang mga District Congressman na manggaling sa party-list ang magiging ikalawang pinakamataas na lider ng Kamara?

Abangan na lamang natin ang teleseryeng ito sa Kamara at sana ay matapos na upang sa gayon ay makatutok na kayo sa mga isasalang ninyong kapaki-pakinabang na mga panukala na maghahatid ng benepisyo sa publiko.