Hindi pa opisyal na pumapasok ang tag-init, ramdam na ang napakainit na singaw ng lupa.

Ang lalong nakakaalarma ay ang balitang luma­lapit na sa critical level ang La Mesa Dam, isa sa malalaking reservoir na pinagkukunan ng supply ng tubig ng Metro Manila. Sa deretsa­hang salita, sumasadsad ang level ng tubig sa La Mesa Dam.

Isa sa dalawang water concessionaire ng MWSS ang mapupuruhan ng problemang ito, ang Manila Water.

Sa ulat kamakalawa nang gabi, partikular daw sa unang makakaramdam ng pagnipis ng water supply ng Manila Water ang mga lungsod ng Pasig at Marikina at ang bayan ng Antipolo sa Rizal.

Mukhang hindi malayong malimita ang pagdaloy ng tubig sa gripo ng mga kabahayang sinusuplayan ng Manila Water sa darating na mga linggo.

Masamang balita ‘yan. Sana lang, yaman din lang na maagang nakita ang paparating na krisis sa tubig ay latagan na agad ito ng remedyo.

Dapat ay maagang ibusina ang babala sa mga apektadong lugar at ianunsyo na ang mga dapat gawin para hindi mabigla ang mga residente kapag nangyari ang kinatatakutan.