Isa namang lalaki ang nasa kritikal na kalagayan matapos na walang habas na pagsasaksakin ng isa sa kanyang nakainuman na dating kaaway sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO2 Diego Ngippol ng Malabon City Police, alas-otso ng gabi nang maganap ang insidente sa Golden Dale Subdivision, Barangay Tinajeros ng nasabing lungsod.

Nakikipag-inuman umano ang biktimang si Johnnny Medillo, 27 an­yos, company driver ng DM Compound, Heroes Del 98, Caloocan City sa pinsang si Roy Balile at ilang kaibigan nang dumating ang suspek na nakilalang si Claro Moises, 27 anyos , truck helper at nakisali sa inuman.

Ilang sandali ay nagpasyang umalis ang biktima na napag-alamang dating kaaway ng suspek.

Pagkaalis ng biktima ay kinumpronta ng suspek ang pinsan nito na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Nang mabalitaan ng biktima ang nangyari sa inuman ay bumalik ito at kinumpronta rin ang suspek na nauwi sa suntukan.

Naawat ang dalawa at nagpasyang umuwi ng biktima ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay sinundan pala siya ng suspek at nang maabutan ay walang habas itong pinagsasaksak.