Huwag munang magbintang. Ito ang buwelta ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa ilang kritiko ng administrasyon na hinuhusgahan ang 29 kasunduan o nilagdaang Memorandum of Understanding (MOU) nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Ayon kay Sotto, walang lugar ang panghuhusga ng mga kritiko sa nilagdaang kontrata ng China at Pilipinas dahil hindi pa naman aniya naisasapubliko ang kumpletong detalye ng MOU.
“Mahirap naman sana kaagad silang nagsasalita na hindi naman nila alam kung ano ang laman ng MOU at saka hindi nila alam kung ano ‘yung napag-uusapan,” diin ni Sotto.
Aniya, sa 60-40 proposal ng foreign investment ay 60 porsiyento rito ang pagmamay-ari ng Pilipinas at 40 porsiyento naman ang makukuhang sharing ng China.
Kung kaya, idiniin ni Sotto na malinaw aniya na hindi ibinebenta ng Pangulo ang bansa sa China.
“Katulad nu’ng nalaman namin na original na mga proposals, 60-40, papaanong binenta? Lahat ng foreign investments dito sa bansa natin, 60-40. Dapat 60 percent ang ownership ng Pilipino, so paanong naging binenta?” paliwanag ni Sotto.
Pahayag ito ni Sotto matapos sabihin ng mga kritiko ng Pangulo na tila ibinebenta umano sa China ang West Philippine Sea dahil sa oil and gas exploration agreement.
“Kaya siguro, huwag tayong padalos-dalos, huwag tayong nakabintang agad ng hindi natin alam kung ano ang talagang tunay na nilalaman. D’yan nagkakaroon ng problema ang bansa natin. Hindi pa natin alam kung ano ang totoo, tira tayo nang tira,” dagdag nito.