May panahon naman pala, at higit sa lahat, may pera ang balana, dabarkads at madlang pipol. Aba, very flash mob ang pagsugod nila mga kapatid kung saan lahat ng mga sinehan sa malls, ‘Avengers: Endgame’ ang palabas.

Sa mga fanatic, masaya sila siyempre kasi nga puwede lang silang magpa­lipat-lipat from cinemas 1 to 8, sa IMAX at sa Director’s Club at glorya na parang Gresya ang kanilang magiging pakiramdam dahil nga they are having not only their fix but fill of the Marvel universe.

Sa true lang, with the rate things are going, at sa positive no spoiler reviews na binibigay sa pelikula, may chance na baka six months, nasa sinehan pa ito, lalong-lalo na sa Metro Manila.

Ang rinding-rindi ang diva that you love, ang mga die-in-the-wool Marvel supporter kuno, ang daming hanash, kuda at posting tungkol sa ‘Endgame’.

Kakatuliro ang mga pagbabanta na bawal ang spoiler at parang ikamamatay nila, ang puri nila ay mayuyurakan ‘pag may nangahas magsulat tungkol sa kaganapan sa pelikula.

As if totoong ever since supot pa sila o kaya ay ‘di pa nireregla, kakilala na talaga ang mga Marvel super heroes. Karamihan sa ating lahat, kay Darna, Dyesebel, Captain Barbel, Lastikman o si Flavio mula sa ‘Ang Panday’ ang kinalakihan kaya ang pagpapanggap niyong iyan, tigilan na.

Sa mga lumaki namang alam ang origins at legends behind these heroes, I will not take it against you kung nagsisigawan, palakpakan at nag-uumiyak kayo dahil sa movie. Pero ‘yung iba talaga, alam mo namang nakikiuso lang para masabing in, huh!

Ang dasal at hiling ko lang, sana ‘pag may magagandang Filipino films na ipinapalabas, ganyan din ang ingay, suporta, pagyakap at panonood niyo. ‘Pag ang mga matitinong pelikulang Pinoy ay nag-flop, kayong mga mapag-imbabaw at social leeches ang may kasalanan.
***

Halik ni Gerald kay Julia, masarap?

Ilan sa mga pelikulang kaabang-abang ay ang ‘Maledicto’. Kuwento about demonic possession na may pinakaguwapong pari na may best in biloy, si Tom Rodriguez. May pagkaganda-ganda ring madre in the person of the Curtis who can act, si Jasmine Curtis Smith at basing it sa trailer, ang puwedeng tawaging millennial Linda Blair, si Miles Ocampo.

Ang tanong, ang PR team ng ‘Maledicto’, anong klaseng blitzkrieg ba ang kanilang ginagamit para masiguradong maglalaway at magiging mausisa ang mga nilustay ang pera nila sa ‘Avengers’ sa kanilang pelikulang paparating na sa Labor Day ang showing?

Ang mga descamisados kaya, with their hard-earned money and keep, willing na gastusan ang ‘Maledicto?’ Ang mga bagong yaman at totoong yayamanin, lalo na nga’t may Fox presence ang movie, pasa ba ito sa pihikang panlasa nila?

Ang ‘Kuwaresma’ ni Sharon Cuneta at ‘Between Maybes’ nina Gerald Anderson at Julia Barretto, ‘John Wick 3’ ni Keanu Reeves ang kasabay sa takilya.
Ang tanong: ilang sinehan kaya ang ibibigay sa pelikula ni Ginoong Reeves versus the two Pinoy films?

Ano ba ang bentahe ng ‘Kuwaresma?’ First horror movie ni Ate Mega, check! First team-up nila ni John Arcilla na hindi puwedeng ikailang isang dakilang actor, check na check.

First artistic collaboration ni dating Madame Chairman sa henyong si direk Erik Matti, triple check. At may mahusay na, cutie pang in the person of Kent Gonzales. Quadruple check!

Ang tanong, ang mga PR specialist na siyang dapat mag-ingay para sa ‘Kuwaresma’, paano nila hihikayatin ang balana, dabarkads at madlang pipol na ito ay isang “event movie?”

Na isa itong YOLO happening at literal na ikaw ay nasa kangkungan at pansitan kapag dinedma mo ito.

Ano naman ang plus points na meron ang ‘Bet­ween Maybes?’ Siyempre pa, fresh ang pairing at may curiosity factor ang pagsasamang Gerald Anderson at Julia Barretto, check.

Speaking of Mr. Anderson, kung sakaling may hubad baro, shower scene at laplapan sila ni Julia kung saan makikitang parang ang sarap-sarap niyang humalik, may word of mouth ang ganyang mga eksena, check na check.

Kay Ms. Barretto naman, kung hindi ‘odd’ ang kanilang pairing at mararamdaman na may sexual chemistry sila ni Gerald, at maipapadama niya talaga na siya ang pinakamahusay na aktres sa batch niya of pretty young misses.

Check na check ito, ‘di ba?

Ang hindi natin puwedeng itanggi, just like the ‘Matrix’ trilogies kung saan siya ang bida, Keanu Reeves as John Wick, ang status na nito ay iconic.

At ang mga action sequences nito, hindi lang of epic proportions, legendary ang execution. May cult following rin si Reeves sa Pilipinas.

Makakaasa tayo na pangmalakasan muli ang hanash, kuda at posting tungkol sa ‘John Wick’, hindi ba naman?

Papayag ba tayo na lugami na naman ang mga paparating na Pinoy movies? Huwag naman! Ilaban natin ang sariling atin!