Kulungan kada distrito itatayo sa pasaway sa ECQ

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na magkakaroon ng “massive arrest” o maramihang pag-aresto sa mga pasaway na patuloy na lumalabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa mga susunod na araw.

Dahil dito, inutusan na ni PNP chief General Archie Gamboa si National Capital Region Police Office (NCRPO) commander Major General Debold Sinas na maghanap na ng mga detention facilities kada distrito para doon ikukulong ang mga mahuhuling patuloy na lumalabag sa ECQ.

“I also required the regional director of NCR to prepare per district kung saan ilalagay itong mga taong mahuhuli. And then mag-reserve din siya doon sa Bicutan. So all of these things are being prepared because we expect massive arrest kung hindi talaga susunod yung mga tao,” pahayag ni Gamboa sa isang panayam sa radyo kahapon.

Mula Marso 17 hanggang Abril 19 ay pumalo na sa mahigit 133,000 ang nahuhuling lumalabag sa ECQ sa gitna ng banta ng Covid-19 subalit nasa 30,000 lang sa mga ito ang tinuluyang kasuhan ng pulisya habang kulang-kulang sa 100,000 ay binigyan lang ng warning.

Subalit kapag ipinag-utos na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng “martial law like” na pag-iimplimenta ng ECQ, wala ng warning kundi diretso agad sa kulungan ang mga mahuhuling pasaway kaya kinakailangan ng maraming kulungan sa mga ito, ayon pa kay Gamboa.

Sasampahan ang mga mahuhuli ng kasong Bayanihan to Heal as One Act, Republic Act No. 11332 o ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases at Health Events of Public Health Concern Act”.

“Siguro magpakita dapat ang publiko na mag-behave sila para hindi ito matuloy. Kasi kung ito ay matutuloy, it will really be a full implementation of the law. Wala na tayong warning, diretso na tayo sa aresto,” pagtatapos ni Gamboa. (Edwin Balasa)