Kulungan ng BI, paluluwagin sa gitna ng krisis

Nagsasagawa ng mga hakbang ang Bureau of Immigration (BI) sa kanilang detention center sa Bicutan, Taguig City sa layong mabawasan ang panganib ng COVID-19 outbreak sa mga dayuhan na nakakulong dito.

Dahil dito, inatasan ni BI Commissioner Jaime Morente ang legal division ng bureau at iba pang mga tanggapan na mapabilis ang paglutas ng mga kaso ng deportasyon laban sa mga dayuhan na kasalukuyang nakakulong sa BI Warden Facility (BIWF) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan.

Aniya ang overcrowding sa pasilidad ay nagdudulot pa ng pagkalantad ng mga bilanggo at kanilang mga guwardiya sa panganib na magkaroon ng impeksyon sa virus.

“We don’t want COVID-19 transmissions to happen in our facility. We will work double time to deport aliens, especially for wards that are considered health risks,” dagdag pa ni Morente.

Kasabay nito, naglabas ng memorandum si Morente na inaatasan ang mga legal officers na magsagawa ng imbentaryo sa lahat ng mga kaso ng deportasyon at isumite ang kaukulang rekomendasyong resolusyon sa board of commissioners.

Una nang inatasan ni Morente ang paglikha ng isang BI-Covid Task Force na matiyak na ang lahat ng mga empleyado, pati na rin ang mga ward, ay makatanggap ng naaangkop na pagtugon sa medikal at maayos na natugunan ang mga alalahanin na nauugnay sa Covid.

Pansamantala ring ipinagbawal ang pagbisita o pumasok sa kulungan. Hiniling din ang tulong ng Philippine National Police (PNP) upang makatulong sa pag-secure sa lugar ng pasilidad. (Mina Aquino)