Isang resolusyon na naglalayong masilip ang tunay na kalagayan sa piitan ng nahatulang si US Marine Lande Corporal Joseph Scott Pemberton ang inihain kahapon sa Kamara.
Sa House Resolution 353 ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque, iginiit nito na dapat ipakita sa mga Kongresista ang kalagayan ni Pemberton.
Dapat umanong ipasilip at mainspeksyon ang kulungan nito at kung tunay ngang nasa pangangalaga ito ng Philippines-United States Mutual Defense Board Security Engagement Board Facility sa loob ng Camp Aguinaldo.
Sinabi ni Roque, nagsilbing legal counsel ng pamilya Laude, nais lamang niyang matiyak kung talagang nakapiit si Pemberton na matatandaang hinatulan ng Olongapo Regional Trial Court ng 6 hanggang 12 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude.
Idinagdag pa ng mambabatas na mula nang mahatulan si Pemberton ay wala pang nakakabisita sa lugar kung saan ito sinasabing nakapiit.