Patay ang kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang sugatan ang kasama nito matapos pagbabarilin sa plantasyong pag-aari ng una kamakalawa sa bayan ng Mlang, Cotabato.

Dead on-the-spot matapos magtamo ng mga bala sa katawan si Jun Pananggulon, 7th Brigade Commander ng 108 Base Command ng MILF.

Sugatan naman ang kasamahan nitong si Toto Ante Magaluyan, na nagtamo naman ng bala sa paa.

Nakilala naman ang suspek na sina Tengan Anog, Nindi Dengkang, Pong Anog at Junior Abdul, pawang residente sa nabanggit na lugar.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 12 sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-7:50 nang umaga sa plantasyon ng mais at saging na pag-aari ni Panaggulon sa Parcela 6, Purok 3 Langaban, Brgy. Gaunan.

Nabatid na bumisita ang mga biktima sa lugar subalit habang naglalakad ay lumitaw ang mga suspek na lulan ng dalawang motorsiklo at armado ng mahahabang baril at pinaulanan ng bala ang dalawa.

Inaalam pa ang motibo ng pamamaslang habang patuloy ang manhunt operation sa mga suspek na mabilis tumakas.