Magaling dumiskarte ang mga mambabatas dahil kahit ipinagbawal na ng Supreme Court (SC) ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2013, nakakagawa pa rin ng pork barrel fund ang mga mambabatas.
Simple lang naman kasi ang paggawa ng pork barrel fund, kumaltas ka lang halimbawa ng P10 milyon sa panukalang budget ng isang ahensiya ng gobyerno at ilipat mo ito sa Department of Public Works and Highway o kaya ay sa Department of Agriculture, hinihintayin na lang ang implementasyon ng proyekto para makuha ang komisyon na naglalaro sa 10 hanggang 30 percent ng project cost.
Kung ang isang mambabatas ay masipag mag-ipon ng pork, aba’y kaya niyang kumabig ng P100 milyon hanggang sa P1 bilyon. ‘Yun nga lang, kailangang kaalyado mo ang liderato ng Kamara o ng Senado upang magkaroon ng ganito kalaking pondo.
Nauso rin ang tinatawag na ‘parking’ ng pork barrel fund. Bagama’t matagal nang ginagawa ang kalakarang ito, ngayon lang nababanggit ang ‘parked pork barrel fund.’ Nagsimula ito nang mapatalsik si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez bilang House speaker at nabuking ang bilyon-pisong pisong pork na naka-park o nakatago lang sa mga congressional district.
Kinatay ito ng mga bata ni dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Makalipas ang ilang buwan, ibinuking ni Senador Panfilo Lacson na P2.4 bilyong halaga ng pondo ang nakatago sa congressional district ni Arroyo sa Pampanga. Mayroon ding P1.9 bilyong pondong nakita si Lacson sa congressional district ni Majority Leader Rolando Andaya, Jr. sa Camarines Sur.
Tahimik lang si Arroyo at hinayaan na si Andaya ang magsalita tungkol sa isyu. Subalit imbes na itanggi lang ang alegasyon, nag-counter attack ang dating kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) at isinabit ang kasalukuyang Budget secretary na si Benjamin Diokno. May kalokohan din umanong ginagawa si Diokno sa tulong ng kanyang balae sa Sorsogon.
Nagtakda pa ng pagdinig ang House Committee on Rules na pinamumunuan ni Andaya upang siyasatin ang isyu. Ipinatawag na niya ang regional at district engineer ng Sorsogon upang pakantahin sa proyekto ng CT Leoncio Trading na siyang may-joint venture agreement sa construction firm na konektado sa balae ni Diokno.
Sa lahat ng kaganapang ito, nanonood lang ang mga miyembro ng oposisyon at lihim na natutuwa sa banatan ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte. E kasi naman, sa harap ng publiko pa mismo sila nagbabatuhan ng kanilang dumi. Kung bumagsak man ang tiwala ng mamamayan sa paglaban sa graft and corruption ng administrasyon, wag itong isisi sa oposisyon dahil mismong mga kaalyado ng administrasyon ang kumanta sa kanilang mga raket.