Kumasa sa arresting team, ex-cop patay

Nasawi nang manlaban sa mga tauhan ng Manila Police District-Police Station (MPD-PS) 1 na magsisilbi ng warrant of arrest dahil sa kasong ‘robbery’ ang isang pulis Maynila na “Dropped From the Rolls” na sa Philippine National Police (PNP) matapos masangkot sa serye ng robbery, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.

Idineklarang dead on arrival sa Tondo Medical Center pasado alas-sais ng gabi ang suspek na si da­ting PO2 Gilbeys Navoa, 40 at taga-400 C Capulong St., Tondo, Maynila dahil sa tama ng bala sa kaliwa at kanang bahagi ng dibdib na tumagos sa likurang bahagi ng katawan nito.

Nabatid na bago ang insidente, nakatanggap ng impormasyon sa impormante ang MPD-PS 1 na nakita ang suspek sa may Capulong Riverside, Tondo, Maynila at dahil may nakataas itong warrant of arrest sa kasong robbery sa sala ni MRTC Judge Alfredo Ampuan ng Branch 40 ay bumuo ng team si PS/Insp. Edwin Fuggan at pinuntahan ang lugar.

Nang makita sa lugar si Navoa at isisilbi na sana ang warrant of arrest sa kanya ay kaagad itong bumunot ng baril nang makita ang mga pulis, dahilan para gumanti ng putok ang mga alagad ng batas na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Nalaman na si Navoa ay sangkot sa serye ng robbery holdup, robbery at extortion, at kahit DFR na sa PNP ay patuloy pa rin na nagpapanggap na pulis para sa kanyang iligal na aktibidad.