Nanlaban umano sa pulisya ang isang tulak ng droga na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan sa isang buy-bust operation kamakalawa sa Nabua, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Danny Plotado, residente ng Barangay San Antonio Poblacion ng nabatid na bayan at dati nang sumuko sa Oplan Tokhang.

Ayon sa ulat, naganap ang operasyon dakong alas-11:30 ng gabi sa Zona 6, Barangay Topas ng nasabing bayan at nang makahalata ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon ay bigla itong bumunot ng baril subalit naunahan na siyang paputukan ng awtoridad kaya namatay.

Nakuha sa suspek ang cal. .45 baril gayundin ang anim na sachet ng pinaniniwalaang shabu na naka­lagay sa bulsa nito.