Matapos isang buwang mabakante ang puwesto ng Commissioner’s office idineklara nang  opisyal na uupo si Wilfrido ‘Willie’ Marcial na unang itinalagang Officer In Charge sa Philippine Basketball Association.

Sa unang pagpupulong ngayong taon ng PBA Board of Governors, inaprubahan  kahapon na si Marcial na at wala ng ibang karapat-dapat na maupo sa posisyon na bakante, dahil sa “healing process” o “ Martial Law” upang  matapos na ang problema sa nagdaang  taon.

“He’ll help us through. He’ll be the healing commissioner,” saad ni PBA chairman Ricky Vargas.

Si Marcial ay hindi abogado at hindi rin marketing man. Siya ay 54-anyos at tubong Batangas City.

Binigyan ni Vargas si Marcial ng tatlong taon na termino bilang 10th PBA commissioner pagkatapos nina Leo Prieto, Mariano Yenko, Rudy Salud, Rey Marquez, Jun Bernardino, Noli Eala, Sonny Barrios, Chito Salud at Chito Narvasa.

Si Marcial ay naging estatistiko sa panahon ni Prieto, at naging floor director naman sa panahon ni Rudy Salud hanggang kay Bernardino kaya kung bubusisiin ay talagang kabisado na nito ang pasikot-sikot sa liga dahil sa tagal na sa larangan.