HINDI man nakakapagsagawa ng mga laro dahil sa panganib na dala ng nakamamatay na sakit na coronavirus ay sinisiguro ng Office of the PBA Commissioner na nananatiling kumpleto ang mga miyembro nitong koponan at wala na iniuulat na ibinibentang prangkisa.

Ito ang sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial Sabado kung saan pinaghahandaan naman nito ang nalalapit na unti-unting operasyon at implementasyon ng mga naudlot na programa para sa pagbabalik ng liga sakaling tuluyan nang alisin ang mga restriksiyon ng ipinapatupad ng pamahalaan.

“Walang nagsasabi team sa akin na gusto nilang ibenta team nila,” sabi ni Marcial.

Ipinaliwanag nito na may kasunduan sa pagitan ng owner ng koponan sa liga na nararapat na ipaalam mismo sa PBA Commissioner’s Office kung nagnanais ang isang koponan na ibenta o ilipat ang pagmamay-ari nito sa isang nagnanais na mamuno na kompanya o korporasyon.

Iniulat na may isang team owner ang nagnanais na tuluyang ibenta nito ang kanyang prangkisa.

Sinabi naman mismo ni Bounty Agriventures president at Chooks-to-Go owner Ronald Mascariñas na hindi totoo na interesado siyang bilihin ang sinasabing “championship rich franchise”.

“Pure speculation,” sabi lamang ni Mascariñas.

Ilan naman sa nagkomento ang nagtukoy na ang sinasabing koponan ay walang iba kundi ang Alaska Aces base naman sa inilagay na clue na “This team was once assessed by NLEX before they bought Air 21 back in 2014.”

Isa ang Alaska Aces sa pinakakritiko sa mga kasalukuyang miyembrong koponan ng liga at kasalukuyang nasa proseso ng build-up sa pangunguna ng bagong coach nitong si Jeffrey Cariaso.

Una nang nahayag ang pakikipagnegosasyon ng mga matataas na opisyal ng NLEX Road Warriors sa iba’ ibang mga malalaking kompanya upang maging bahagi ng prangkita.

Isa lamang ang NLEX sa apat na expansion team na dumagdag sa dating walo lamang na koponan na propesyonal na liga sa bansa. (Lito Oredo)