Kumidnap sa 3 bata timbog

Isang 50-anyos na lalaki na kumidnap umano ng tatlong bata ang dinakip sa Itogon, Benguet noong Miyerkules.

Kinilala ng Itogon Police Station (IPS) ang suspek na si Rogel Fernandez, isang construction worker, ng nasabing bayan.

Ayon sa IPS, nakatanggap sila ng impormasyon na ang suspek ay nakita sa bulubunduking sakop ng Sitio Tuwap, Barangay Gumatdang, Itogon ganap na alas-11:45 ng umaga na may dalang tatlong bata, na kinabibilangan ng dalawang babae na may edad na pito at walo, at isang lalaki na may edad na pito.

Nauna dito, ayon kay IPS commander P/Maj. Rommel Sawatang, noong Lunes ay may report mula sa kamag-anak ng mga bata na sila ay nawawala at kinuha ng isang lalaki.

Dito, agad na kumilos ang responding team ng IPS at inaresto si Fernandez na kasama pa ang tatlong bata.

Sinabi ni Sawatang, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang ang mga bata ay nasa kani-kanilang mga kamag-anak na.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy sino ang nag-utos para dukutin ng suspek ang mga bata. (Allan Bergonia)