Dear Kuya Rom,
Para kumita ng malaki, nag-apply ako at pumasa sa training bilang chauffeur driver.
Preparasyon ito para sa Dubai, kasi abot sa P45,000 monthly ang sweldo doon.
Mabigat ang trabaho ko dito sa Maynila. Bawal ang tutulog-tulog. Mamahalin ang sasakyan at kailangang bantayan. Dagdag na bigat ay ang pressure ng customer.
Pagdating ko ng bahay, ayaw ko na ng pressure. Kapag kinakausap ako ng girlfriend ko, naiirita na ako. Kinukulit ako tungkol sa kasal namin sa December at sa bahay na gusto naming bilhin. Nagagalit siya kapag tinutulugan ko siya.
Parang ayaw ko nang ituloy ang kasal. Pero nagmamahalan kami. Kuya, please, turuan mo ako. Mabigat ang pressure. Thank you so much for the advice. — Edward
Dear Edward,
Congratulations, ikakasal ka na! Mabuting magkaroon ka rin ng training bilang mister.
Habang maaga, tanggapin mo ang katotohanang ang pressure sa trabaho at sa bahay ay kasama sa buhay. Mabuting ngayon pa lang ay masanay ka na. Narito ang ilang gabay para sa iyo:
Una, sanayin mo ang iyong sariling mamuhay na may pag-ibig. Ang pag-ibig ay matibay na pundasyon ng buhay. Ang pag-ibig ay magtutulak sa iyo para mahalin mo ang iyong trabaho at tratuhin ng mabuti ang bawat costumer. Ang pag-ibig ay magtutulak sa iyo para harapin mo ng maayos ang bawat isyu sa loob ng bahay.
Pangalawa, ituloy ninyo ang inyong kasal sapagkat may pag-ibig kayo sa isa’t isa.
Kausapin mo ng masinsinan ang iyong girlfriend. Huwag kang mairita sa kanya sapagkat ang ikinikilos niya ay nagpapakitang mahal ka niya, gusto niyang makasal kayo at makasama ka habang buhay.
Mabigat ang sabay na pag-iisip sa kasal at pagbili ng bahay. Unahin muna ninyong ayusin ang kasal ninyo. Gawin ninyong simple ang kasalan. Kapag ayos na ang plano sa kasal, pwede nang pag-usapan ninyo ang bibilhing bahay.
Kung masyadong mabigat ang bumili ng bahay, mangupahan muna kayo ng isang maliit na tirahan. Magtipid kayo sa gastos para makaipon kayo ng downpayment sa bahay.
Pagbutihin mo ang trabaho mo. Maaaring isang mayamang customer ay tutulong sa iyo upang makabili ka ng sariling sasakyan para magkaroon ka ng sariling negosyo sa chauffeur service. Kapag nangyari ito, hindi ka na kailangang magtrabaho pa sa ibang bansa.
Tungkol sa pagtatrabaho mo sa Dubai at laki ng sweldo, pag-isipan mo ng mabuti ito: Kung tutuloy ka, mangako kayo sa Diyos na hinding-hindi kayo mangangaliwa kapag malayo kayo sa isa’t isa. Tanungin mo ang iyong sarili, aanhin mo ang malaking sweldo kung hiwalay o malayo ka sa asawa mo at mga mahal sa buhay?
Karamihang nagtatrabaho sa ibang bansa ay sira ang pamilya dahil sa imoralidad at pangangaliwa. Ang malaking kita ay hindi mababayaran ang wasak na pamilya. Hindi baleng maliit ang kita mo sa ating bansa basta’t buo ang iyong pamilya. Sa awa ng Diyos, uunlad din ang inyong buhay. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom