
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalimutan ng mga miron ang ginawang pagpapahirap ng isang kilalang male personality sa kanyang ka-ex-deal na kumpanya.
Endorser siya ng produkto, bayad siya sa kanyang serbisyo, pero meron pa rin siyang kalayaang kumuha ng mga produkto ng kumpanya paminsan-minsan.
Kuwento ng aming source, “Naku, halos ma-bankrupt na sa kanya ‘yung company dahil sa sobrang paghahakot niya ng mga products kapag nagpupunta siya du’n!
“Nakakaloka siya, malaking van ang gamit niya sa paghahakot, talagang halos kunin na niya ang lahat ng laman ng display area kapag dumarating siya.
“Ilang bags lang naman ang kailangan niya, pero kung kumuha siya, e, para na siyang biyahero! Talagang hakot ang ginagawa niya. Nagpapahalata na nga ang mga trabahador ng company na okey na ang mga napili niya, pero kuha pa rin siya nang kuha!” natatawang-naiiling na kuwento ng aming impormante.
Marami silang modelo ng produkto, pero siya lang ang bukod-tanging hakutero ng mga bags, hindi tuloy malaman ng may-ari ng kumpanya kung ibinebenta ba niya ang mga hinahakot niya.
“Hindi naman siya namimigay sa mga kaibigan niya, kahit nga ang mga production staff, hindi niya binibigyan! Saan nga kaya niya dinadala ang mga ginegetlak niyang produkto?
“Meron pa siyang drama na namimigay raw siya ng mga bags sa mga batang mahihirap, pero wala naman siyang ginagawang ganu’n. Talagang sinosolo lang niya ang mga produkto!
“Pero heto na. Dahil madalas nga niyang gawin ang paghahakot ng mga products, e, nakarating sa pinaka-owner ang mga pinaggagagawa niya.
“Tumawag siya sa company, nag-abiso siyang pupunta raw nu’ng araw na ‘yun, naloka siya nu’ng wala nang mga produktong naka-display. Pinagtatanggal ‘yun ng mga empleyado, soldout na raw, matatagalan pa bago uli sila makagawa.
“Tatlong piraso lang ang nakuha niya, ang laki-laki pa naman ng van na dala-dala niya, pero umuwi siyang luhaan! Naisahan din siya sa wakas! Nadiyeta siya sa bags!” humahalakhak pang pagtatapos ng aming source.
Hiwalayang JM-Barbie kay Paul ang huling halakhak
Napakabilis lang ng romansang JM de Guzman-Barbie Imperial. Araw Gabi pa naman ang titulo ng pinagbidahan nilang serye pero mabilis ding natapos ang kanilang relasyon.
Sa pagkakaalam namin ay ang lalaki ang kumalas, kinausap niya nang masinsinan si Barbie, nauwi ‘yun sa pagpapaalaman.
Sabi naman ng isang nakausap naming malapit sa kanilang dalawa ay wala raw talagang pupuntahan ang kanilang relasyon dahil hindi pa mature si Barbie.
Marami nang pinagdaanan si JM, malayo ang nararating ng kanyang mga karanasan, samantalang si Barbie ay hilaw pa sa pagdadala ng relasyon.
Ang tanong, ano kaya ang nararamdaman ngayon ni Paul Salas, ang dating karelasyon ni Barbie na pinagbintangan pa nga nitong nanakit nang pisikal sa kanya?
Nu’ng kasagsagan ng isyu sa pagitan nila ay may nagsalita mula sa kampo ni Paul Salas, “Kay Paul ang huling halakhak.” Parang nagkatotoo nga ‘yun dahil hindi sila nagtagal ni JM.
Bata pa naman si Barbie Imperial, maraming pagkakataon pa ang naghihintay sa kanya, sa ganda ng young actress ay siguradong maraming aaligid sa kanya para manligaw.
Tama ang kanyang sinabi, hindi nga siguro sila para sa isa’t isa ni JM, masakit sabihin pero kailangan nitong tanggapin.
Hindi imposibleng magkabalikan pa rin sila ni Paul Salas, nagkasakitan man sila nu’n ay may kapangyarihan ang panahon para pagalingin ang kanilang mga sugat, ganu’n sa usapin ng pag-ibig.