Nagwakas sa trahedya ang idinaos na mini-Christmas party ng magkukumpare matapos targetin ng bala sa bibig ang taxi driver ng kanyang kainuman nitong Sabado sa Quezon City.
Kinilala ni P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station 3, ang biktimang si Charlemin Villarta Alforque, taxi driver, taga-#218 IBP Road, Brgy. Commonwealth, QC.
Si Alforque ay idineklarang dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong bala ng .38 kalibre na baril sa bibig. Mabilis namang tumakas ang suspek na si Alfred Bernus Serrano, 52, kapitbahay ng biktima.
Sa imbestigasyon ni PO3 Julius Cesar Balbuena, ng Criminal Investigation and Detection Unit, ika-4:30 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa loob mismo ng bahay ng biktima.
Bago ang krimen, nag-iinuman umano ang magkakapitbahay kabilang si Mel Conde sa tahanan ng biktima at makalipas ang halos isang oras ay nagtalo at nagkainitan sina Serrano at Alforque subalit naawat sila ni Conde.
Nang pauwi na si Serrano ay sinundan ito ni Alforque at muling hinamon ng away.
Lingid sa kaalaman ng biktima ay armado ng baril ang suspek kaya nagulantang na lamang ito nang tutukan siya sa bibig at sabay pinaputok. (Dolly Cabreza)