Nilinaw kahapon ni Sen. Grace Poe na hindi siya ang dahilan kung bakit nakatengga sa Senado ang panukalang emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang problema ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Poe, chairman ng Senate committee on public services, mabagal ang usad ng nasabing panukala sa Senado dahil sa walang ibinigay na sertipikasyon si Pangulong Duterte para bilisan ang pagpapatibay nito.
“Ako nga ay pinipintasan, nangugutya pa ‘yung Pangulo doon sa SONA. ‘Ma’am Grace ‘yung ano ha ‘yung ganyan ganyan.’ Hindi naman ako ‘yung problema dun,” buwelta ni Poe.
Aniya, matagal na niyang sinabi kay Pangulong Duterte na sertipikahang urgent ang panukala upang sa gayon ay magsunuran ang mga kaalyado niyang senador at kongresista sa agarang pagpapatibay ng panukala.
“Matagal ko nang sinabi sa kanya ‘yan, mahilig nga ‘yang manloko sa akin, ‘pag sinabi ‘Ma’am Grace, ‘yung EDSA, ‘di ba?’
Sabi ko ‘yun na nga ‘yung problema ko, sana nga mas mabilis nga, sabihin niya dun sa mga kaalyado namin sa Senado na unahin na ninyo ‘yan para si (DOTr) Secretary (Arthur) Tugade ay mas mabilis ang kilos,” giit ni Poe.
Sa Kamara ay nakatakdang iakyat sa plenary ang emergency powers na ibibigay kay Pangulong Duterte para resolbahin ang problema sa trapiko sa Metro Manila, Metro Cebu at Davao City.
Sinabi ni House minority leader Danilo Suarez na isa mga ipapasok nitong amendment sa nasabing panukala ay gawing 3 digit ang number coding scheme sa Metro Manila.
“Dapat tayong magsakripisyo kung gusto nating lumuwag ang kalsada,” ani Suarez sa press briefing kahapon.