Kumpetisyon ng Grab at Uber

For the record by Jeany Lacorte

Matindi ang kumpetisyon ngayon ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) na Uber at Grab.

Masyado silang mabenta sa mga pasahero, patunay rito ang matagal na paghihintay bago makapagpa-book.

Kahit hirap magpa-book ang rider ay matiyagang naghihintay ang karamihan upang makauwi nang kompor­table.

Isa tayo sa masugid na tumatangkilik sa da­lawang TNVS na ito.

Nagpapa-book ako sa dalawang ito. Ang basehan ko nang pagkuha ng kanilang serbisyo ay kung saan mabilis magpa-book at kung sino ang mas mura.

Siyempre bilang isang commuter, pangunahin talaga nating sinisilip ay ang presyo, pangalawa na lamang ang ayos ng serbisyo ka­tulad ng maagap na pagbo-book.

Pero sa tinagal-tagal na nating nagpapaserbisyo sa Uber at Grab ay isa lamang ang ating napansin. Sobrang taga ang presyo ni Grab.

Sa presyong P550 ng Uber, P1,060 naman ang singil ni Grab sa halos parehong layo ng aking binibiyahe.

Kaya saan ka nga naman tatakbo, siyempre kay Uber dahil mura ang bayad.

Malamang kaya mababa ang presyo ni Uber ay dahil sa nauna nitong anunsyo kamakailan na hindi ito magtataas ng pamasahe kahit pick hour.

Bentahe sa mga pa­sahero ang desisyong ito ng Uber kaya inuulan sila ng booking. Ang epekto nga lamang sa mga pasahero ang dating­ 3-5 minutes na waiting sa booking ay nagiging 25 minuto o kalahating oras.

Pero si Grab nagmamaganda ito at naninindigan sa mataas ­niyang singil.

Baka naman puwedeng panghimasukan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isyung ito laban sa Grab. Masyadong taga ang kanilang presyo.

Kung ang Uber ay nagawa ninyong disiplinahin, silipin niyo rin naman ang isyung ito laban sa Grab.

Sobrang mahal kung makasingil, diretso naman sa bulsa nila ang ­ibinabayad ng mga pa­sahero minus siyempre sa porsiyentong ibinabato nila kay Grab.