Kinumpirma kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na nakapasok na sa bansa ang Colombian drug cartel.
Ayon kay Aquino, natuklasan nila sa isinagawang pagsusuri sa mga sample ng mga cocaine na nakuha sa Matnog, Sorsogon noong 2018 na gawa ito sa Colombia.
Una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagdalo sa National Assembly ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na nahaharap ngayon sa seryosong problema ang bansa dahil nakapasok na ang Colombian drug cartel.
Mahirap anyang mapigilan ito dahil limitado ang kakayahan ng bansa na mabantayan ang karagatan nito.
“Tama ang ating Presidente Rodrigo Duterte sa sinabi niya na pumapasok na ang Colombian drug cartel sa atin kasi base doon sa nakuha nating representative sample sa Matnog, Sorsogon, noong 2018, lumalabas na ito ay gawa sa Colombia,” ani Aquino sa isang panayam.
Tiniyak naman ni Aquino na higit pa nilang paiigtingin ang kanilang kampanya kontra droga.
“Sabi ko nga tatlong teorya ‘yan. Number one, transshipment point. Pangalawa ‘yung ating diversionary tactic na ginagawa ng drug syndicate, at ‘yung pangatlo kung nasakay nila ito sa speed boat nila, itong mga smuggler ay nafi-feel nila na sila ay mahuhuli… ito’y tinatapon sa karagatan pero ire-recover din naman ito,” ayon pa kay Aquino.