Kumpirmasyon ng PH envoy sa UN binitin

Ipinagpaliban ng Commission on Appointment (CA) ang kumpirmasyon ni Rodolfo Dia Robles bilang permanenteng kinatawan ng Pilipinas sa Uni­ted Nations (UN).

Ito’y matapos humirit si Senador Risa Hontiveros na magkaroon ng caucus para pag-usapan ang kumpirmasyon ni Robles.

Subalit pagkatapos ng caucus, hindi kasama si Robles sa mga nominado sa kanilang pagharap para sa kanilang kumpirmasyon sa CA plenary.

Sa pagdinig ng CA foreign affairs committee na pinamunuan ni Senador Panfilo Lacson, kinuwestiyon ni Senador Francis Pangilinan si Rob­les tungkol sa national policy sa China.

“With China’s incursion in our Exclusive Economic Zone or our territorial sovereign waters, our people would like to know, what are we going to do with these challenges that we face?” tanong ni Pangi­linan kay Robles.

Sagot naman ni Rob­les, “We are actually trying to strengthen our military capabilitity. But at the moment, we are actually not able to do anything except (raise) protests one after other saying this is an illegal act of China.”

Tinanong din ni Pa­ngilinan si Robles tungkol sa isyu ng suspensiyon ng negosasyon ng mga loan at grant ng mga bansa na lumagda sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) resolution para imbestigahan ang war on drugs ng gobyerno.

Sagot naman ni Rob­les, hindi umano makakaapekto ang suspension ng negosasyon sa loan at grant sa relasyon ng Pilipinas sa ilang security partner tulad ng Australia.

Samantala, kinumpirma na ng CA ang ad interim appointment ng 53 foreign affair official at 29 senior military officer. (Dindo Matining)