Kung mayroon mang napakabigat at napakadelikadong isyung kinakaharap ngayon ang Pilipinas, ito’y walang iba kundi ang pangungutang sa China.

Clear and present danger at tunay na immediate concern ng sambayanan.

Ngayong buwan ay darating sa bansa si Chinese Pre­sident Xi Jinping para isara ang pormal na pagpasok ng Pilipinas sa Belt and Road Initiative (BRI) ng super po­wer na bansa.

Ang BRI ay pandaigdigang programa ng napakayamang bansang ito. Nagpapautang ito sa mahihirap na bansang tulad ng Pilipinas sa napakataas na interes upang pondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura ng pobreng bansa. Sa terminong dikta ng China siyempre.

Intsik ang bangkong paglalagakan ng pera sa pinauutang na bansa. Intsik ang kontratista ng proyekto. Intsik maging ang mga trabahador. Sa kanila rin bibilhin ang mga equipment at materyales.

Isa sa mga kondisyon bago pautangin ang pobreng bansa, kailangang magtaas ng tax bilang garantiya na makakabayad ito. Kaya ang Pilipinas ay may TRAIN Law na nagpasirit ng presyo ng mga bilihin. At hindi one-time ‘yan. May TRAIN Law 1 at 2. Kamakailan ay nagpahayag pa si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na tatrabahuhin na nila at ipapasa ang TRAIN Law 4.

Kasama rin sa deal ng Pilipinas ang joint exploration sa pinag-aagawang teritoryo sa oil-rich Spratlys o ang mga isla, karagatan at bahura (reefs) sa South China Sea kung saan matatagpuan ang West Philippine Sea (WPS).
Pati ang Benham Rise na nasa likod na ng bakuran ng Pilipinas, ginagapang na rin ng China.

Sinasabi ni Finance Sec. Carlos Dominguez III na ‘win-win’ para sa dalawang bansa ang pagpasok ng Pilipinas sa BRI ng China, paano mangyayari ‘yun?

Walang trabaho para sa mga Pinoy. Walang kita para sa lokal na mga kontratista. Patong-patong na tax na ang resulta ay lolobo pang inflation.

Kinakamkam pa ang mga teritoryo natin na mayaman sa pagkain, mineral at enerhiya.

Matagal nang wala sa poder si Pangulong Duterte nakakulong pa rin ang Pilipinas sa mga utang na ito.