Kumusta ang Pasko mo?

Hindi ba’t parang si crush lang na mabilis na dumaan ang Pasko na isang taon nating hinintay. Kumusta naman kaya ang mga ganap sa pagitan ng mga inaanak at mga ninang at ninong?

Ilan kayang mga ina­anak o mga bata ang nakapamasko ng bagong baryang P20. Nailabas na ba ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa merkado ang bagong barya na ito? Gaya kasi ng marami na­ting kurimaw, ako man eh hindi pa nakahawak ng coin na P20.

Ang mga kuripot o kaya naman eh kapos sa badyet nating mga kurimaw na ninong at ninang, naging successful kaya ang pagtatago sa kuwarto, banyo o ilalim ng kama? Naging convincing kaya ang dahilan nila na “may lakad” sina ninong at ninang kaya wala sa bahay.

Eh ang mga bibo ka­yang inaanak na naghanap ng kanilang ninong at ninang, gumamit kaya ng GPS o Waze para matunton ang hihingan nila ng pamasko? Pero kung “G na G” o gipit na gipit sina ninong at ninang, mas magandang unawain na lang muna sila at panumpain na lang na bumawi kapag ­naka-LL o nakaluwag-luwag na sila.

Pero ang mga inaanak na damulag na, aba’y dapat naman sigurong hindi na umaasa ng aginaldo sa mga ninong at ninang niya. Ang iba kasi mga tsong, damulag na, nagsasama pa ng tropa sa inuman kaya mas lumalaki ang gastos nina ninong at ninang.

Ang mga magulang naman, huwag sanang sasama ang loob sa kanilang kumpare at kumare kapag hindi na­bigyan ng aginaldo ang kanilang anak. Aba’y sa totoo lang, hindi naman talaga dapat ang aginaldo ang maging pangunahing dahilan sa pagkuha ng ninong at ninang. Dapat ay maging ikalawang magulang sila ng mga bata, na masasandalan kapag nawala ang mga tunay nitong magulang.
Kaya sa mga ninong, ninang at inaanak, kita-kits at taguan uli sa next year.

Samantala, kung buo ang pamilya na nagdiwang ng Pasko, aba’y congrats! Marami kasi sa mga kababayan natin ang tiyak na hindi buo ang pamilya —maaaring may nangibang-bansa para magtrabaho o kaya naman eh biglang pumanaw.

Tulad na lang ng nangyari na naman sa Laguna at Quezon kung saan hindi bababa sa 10 katao ang nasawi at mahigit 300 iba pa ang naospital dahil sa pag-inom ng lambanog. Mantakin ninyo mga tsong, nangyari na ito noong nakaraang taon — na Disyembre rin — pero naulit. Ang tanong ng ating kurimaw, sino ang dapat sisihin?

Ayon sa mga eksperto, kapag mali ang pagkakaproseso ng lambanog, sa halip na ethanol na pang-alak ang maging resulta, methanol na lason sa katawan ang magiging resulta. Pero bakit may nakakalusot pa rin gayong nangyari na nga ito noong nakaraang taon at marami rin ang literal na itinumba ng alak?
Hindi naman natin puwedeng sisihin ang mga biktima kung bakit sila bumibili ng alak na hindi aprubado ng Food and Drug Admi­nistration (FDA). Tiyak naman na hindi nila alam kung anong mga manufacturer ng lambanog ang aprubado ng FDA. Isa pa, kung mayroon mang iligal na gumagawa ng alak na ito, bakit hindi natitimbog ng mga awtoridad? Iisa kaya ang pinanggalingan ng killer lambanog noong nakaraang taon at ngayon?

Kung may napanagot kasi at naparusahan nang mabigat sa trahedyang nangyari noong nakaraang taon, tiyak na magiging maingat na ang mga gumagawa ng lambanog para hindi na maulit ang trahedya. Pero kung tinapik lang sa puwet ang mga nagkasala noong nakaraang taon kahit may mga namatay, natural na hindi mangi­ngilag na gumawa ng sablay na alak ang iba.

Mukhang walang na­tututo ng leksyon noong nakaraang taon sa malagim na trahedyang ito sa lambanog kaya nagkaroon ng repeater, ngayon taon, may matuto na kaya ng leksyon at may papanagutin na nang bongga. O baka magbibilang na lang uli ng patay at naospital dahil sa lambanog sa susunod na taon? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.