Sa kabila ng mga umiiral na batas at pagkalampag ng mga uring manggagawa sa gobyerno, hanggang ngayon ay patuloy pa rin na nagaganap ang sari-saring anyo ng pagsasamantala sa hanay ng manggagawa.

Kaya nga nagpahayag ng kanyang pagkadismaya itong si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos dahil sa patuloy na dumaranas ng exploitation ang mga manggagawa sa kanilang employer­ partikular na ang kababaihan.

Isa sa nakalulungkot dito ay hindi lamang kalalakihang manggagawa ang dumaranas ng exploitation sa kamay ng mga emplo­yers kundi pati na rin ang kababaihang namamasukan sa mga pagawaan. Ngayon ginugunita natin ang National Women’s Month, isa-isahin natin ang mga hirap at pagsasamantalang nararanasan ng kababaihang manggagawa sa kamay ng mga negosyanteng kapitalista na gustong wakasan ni Imee.

Isa sa isinusulong ng kandidato sa pagkase­nador ng Hugpong ng Pagbabago ay ang paglaban sa kontraktwalisasyon na matagal nang iginigiit ng sektor ng paggawa. Laging ipit dito ang ating kababaihan dahil lagi silang nabibiktima ng endo at hindi nabibigyan ng tamang sahod at mga kaukulang benepisyo.

At isa nga sa dapat pahalagahan ay kung paano mas magiging labor-friendly ang mga pagawaan. May mga pabrika kasi na hanggang ngayon ay common ang comfort room. Nakakatuwa dahil kahit na papaano ay nauunawaan ni Imee ang sitwasyon ng mga babaeng mangagagawa.

Hindi na nga kailangang dumayo pa sa mga pabrika dahil pumunta ka lang sa mga shopping mall, makikita na dito ang mga service crew ng maliliit na mga tindahan o kiosk na tumatanggap ng sahod na mababa sa minimum wage rate.
Ang mga service crew na pumapasok ng walong oras ay tumatanggap lamang ng P450.00 bawat araw imbes na P537.00. Lumalabas na parang pakyawan din sa mga pabrika ang sahod ng mga babaeng service crew dahil sa kalimitan ay walang benepisyong natatanggap ang mga ito.

Sana nga ay maisulong ni Imee ang mga batas na siyang magtutulak para lalong maproteksyunan ang kababaihan sa sector ng paggawa. At makita rin ng Labor department ang mga paglabag na ginagawa ng mga negosyante.

Alam natin na maliit lamang ang bilang ng mga labor inspector para mabisita ang lahat ng pagawaan sa buong Metro Manila. Pero sana naman, kung makikita nila ang ginagawang kabulastugan ng ilang sa mga may-ari ng pagawaan ay hindi sila pumikit.