Kung hindi kayang pasunurin sa modernisasyon ang mga jeepney dapat isaayos na lang

Habang papalapit nang papalapit ang ibinigay na deadline ng Department of Transportation (DOTr) para sa mga bulok na public utility vehicle (PUV) ay tila papalayo naman nang papalayo ang magandang resulta na kanilang inaasahan.

Sa kasalukuyan kasi ay parang hindi naman nababawasan ang naglipanang bulok na pampasaherong sasakyan partikular ang jeepney na kabi-kabila pa ang pagpapa-interview ng mga tsuper at operator na hindi nila kaya ang halaga ng sasakyang iniaalok ng DOTr.

Nais kasi ng DOTr na hanggang sa Hunyo 30, 2020 na lamang ang ibi­nibigay nilang palugit para sa mga bulok na pampasaherong jeepney at seryoso umano silang ipatutupad ito.

Bilang bahagi ng pagsunod sa modernization program na inilunsad noon pang taong 2017, dapat ay wala nang makitang bulok na pampublikong sasakyan simula Hulyo 1, 2020.

At kaya medyo mataas din ang moral ng DOTr dahil sa mismong si Pangulong Duterte ang nag-anunsiyo na kapag hindi sumunod ang mga operator sa kampanya ay siya mismo ang magpapahatak sa mga bulok na jeepney.

Sa ngayon ay kalmado ang DOTr dahil sa ibinigay nilang palugit para sa mga bulok na sasakyan ngunit naniniwala ako na pinaghahandan nila ang pagsapit ng Hulyo 1, 2020 dahil mara­ming kababa­yan natin ang umaasa dito.

Sa totoo lang kasi, napakalaking ginhawa naman ng bagong disenyo ng sasakyang nais na ipalit ng pamahalaan sa mga bulok na jeepney dahil bukod sa air-con ay maaari pang tumayo ang pasahero sa loob sakaling punuan na.

Hindi katulad sa jeepney na nakayukong pumapasok ang mga pasahero at dahil sa sobrang haba nito ay sumasakit ang balakang ng karamihan partikular ang mga senior citizen.

Ngayon, imbes na paghandaan ng mga jeepney operator ang palugit ng DOTr ay tila mas nakatuon pa sila sa pagbabago ng porma ng kanilang mga pampasaherong sasakyan.

Marami na kasing pampasaherong jeepney ngayon ang itinataas nila ang likurang bahagi ng sasakyan sa pamamagitan nang pagkakabit ng maliliit na gulong sa unahang bahagi.

Sa likurang bahagi naman ay malaking gulong kaya halos nakatuwad na ang jeepney at layunin lamang nito ay upang sumiksik sa patungo sa harap ang mga pasahero sa oras na umapak ng preno ang tsuper.

Dahil dito ay maraming senior citizen at may mga kapansanan ang hindi na makasakay ng pampasaherong jeepney dahil sa hindi na nila abot ang hakbangan papasok ng jeep.

Ganoon din sa pagbaba, napakarami ng naaksidente sa pagtalon sa jeepney dahil ito lamang ang paraan para makababa ng sasakyan at naglipana na ang mga ito sa bahagi ng Cubao hanggang Rizal.

Isa pa sa dapat ipagbawal ay ang paggamit ng hand signal ng mga jeepney driver dahil bigla-bigla kung maglabas sila ng kamay na kadalasan ay hindi nakakapaghanda ang nasa gilid na sasak­yan at bastusang liliko.

Hindi katulad ng paggamit ng signal light na malayo pa ay umiilaw na at nagkakaroon ng pagkakataon ang kasunod na maghanda kung hihinto o didiretso hindi tulad sa hand signal na ‘pag inilabas ng tsuper ang kamay ay bigla rin ang kasunod sa paghinto.

Sana kung hindi mananaig ang pagpapatupad ng modernisasyon ay maibalik na lamang sa normal ang hitsura ng mga pampasaherong jeepney para lahat ay makasakay ng maayos.