Bagama’t isa sa pinakadakilang bayani ng ating bayan, si Emilio Jacinto ang isa sa pinakamisteryoso ang kamatayan.

Bagama’t kung tutuusin, ang tanging aktuwal na larawan lamang niya ay ang larawan ng kanyang kamatayan na una kong nakita sa aklat ni Ambeth Ocampo na ‘Looking Back’ noong ako ay bata pa.

Ang mga larawan niya na nakikita natin, pinakasikat na ay ang larawan na iginuhit ni Guillermo Tolentino ay mga kathang isip lamang.

Sa larawan, nakahiga si Jacinto sa paligid ng mga nagmamahal at magmamasid niyang mga kababayan, nakasuot ng uniporme ng himagsikan, pinaghawak ng baril, at may makikitang isang napakalungkot na mukha.

Ayon kay Sir Ambeth, ito ang kabiyak niya sa puso na si Catalina de Jesus na mapapansin ding nagdadalang tao!

Dahil nakasuot ng rayadillo, inaakala ng iba na siya ay namatay sa pakikipaglaban ngunit sa totoo lang siya ay namatay sa sakit, sabi ng iba malaria, sabi ng iba kolera dahil may epidemya noon (baka walang doktor kaya hindi na-diagnose at assumero lang ang mga tao).

Dahil matapos siyang masugatan sa Magdalena, naging tindero pa nga siya ng karne ng baka ayon sa natagpuang artikulo ni Augusto de Viana na isinulat niya sa kanyang aklat na ‘Stories Rarely Told’.

Tapos, nakalibing siya sa Sta. Cruz, Laguna.

Naroon siya bago mai­lipat sa North Cemetery, at noong 1975, sentenaryo ng kapanganakan ni Jacinto, nailipat naman sa Himlayang Pilipino sa Lungsod Quezon at pinatayuan doon ng monumento niya bilang heneral na nasa labanan na nililok ni Florante ‘Boy’ Beltran Caedo.

Ngunit noong Abril pinasinayaan ang isang mo­numento para kay Jacinto sa bayan ng Magdalena sa tulong ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Sinasabi naman doon na sa bayan nila namatay si Jacinto. Medyo nalito ako, sa Magdalena namatay pero sa Sta. Cruz nailibing.

Binalikan ko ang 1999 Annual Report ng NHI na nag-uulat na sa mga datos at oral accounts na tinipon ng Research and Publications Division sa pangunguna ni Augusto de Viana, matapos masugatan sa labanan sa Magdalena at nakatakas mula sa mga Espanyol, nagsimulang manghina siya at matapos ang ilang buwan habang nasa Sta. Cruz, siya ay ginupo ng sakit. Nang dumating ang mga Amerikano sa bayan na iyon, kinailangang ilikas si Jacinto sa kabilang ilog upang hindi maaresto tungo sa barrio ng Alipit ngunit namatay na agad siya in transit kaya ibinalik sa San Juan, Sta. Cruz at inilibing.
Ngayon naintindihan ko na kung bakit magulo.

Kasi may Barrio Alipit sa Magdalena, tapos may Barrio Alipit din sa Sta. Cruz, kaya hindi kaya nasa Sta. Cruz pa rin sila noong mamatay?
Tapos ‘patungo’ lamang sila sa Alipit so hindi sigurado na nakarating.
Magtatanong-tanong pa ako at maghahanap ng kasagutan. Babalitaan ko kayo.