Kuripot na male personality sasakit ang bulsa sa kasal

KILALANG-kilala sa pagiging masinop sa pera (pinagandang termino sa kuripot) ang isang pamosong male personality. Positibo ang resulta ng pagiging maingat niya sa pananalapi.

Nakapagpatayo na siya ng isang magarang bahay na ilang milyon ang inabot, nabibili niya ang kanyang mga pangangailangan sa linya ng kanyang trabaho, napag-aaral niya sa maayos na eskuwelahan ang kanyang mga anak.

Kuwento ng isang source, “Kung minsan talaga, e, it pays to be kuripot! Tulad ng male personality na ‘yun, talagang maingat na maingat siya sa paglalabas ng pera sa bulsa niya!

“Kailangang may justification kung bakit kailangan niyang maglabas ng datung, ganu’n siya talaga, maingat na maingat siya sa kinikita niya,” papuri sa aktor ng aming impormante.

Alam ng mga dati niyang piloto kung gaano kasinop ang male personality, hindi nahuhuli ang kanilang suweldo, pero hindi siya ang klase ng boss na maluwag ang palad sa iba pang mga gastusin.

Patuloy ng aming source, “Mapagharimunan siya. Kung puwede namang huwag na siyang magbigay ng budget na pangkain sa driver niya, ganu’n ang ginagawa niya.

“Ipinaghihintay na lang niya ang bituka ng piloto niya sa catering kapag dumarating na sila sa studio. Du’n na kumakain ang dribam niya.

“May libreng food stub kasi ang mga hosts ng show, pati ang kanilang PA, kaya du’n na rin kumakain ang driver niya. Kahit sa shooting, hindi siya gumagastos, kung ano ang food ng catering, wala siyang kaarte-arte, ‘yun din ang kinakain niya kahit pa siya ang bida ng pelikula.
“Ganu’n siya kasinop sa pinaghihirapan niya, hindi siya matutulad sa ibang artista na nu’ng mawalan na ng career, e, nagmukhang kawawa, hindi kasi nila pinaghandaan ang kinabukasan nila.

“E, ang male personality na ito, ngayon pa lang, nakaprograma na ang gagawin niya kapag hindi na siya sikat, meron na siyang fallback, magnenegosyo siya dahil meron naman siyang naipong pampuhunan.

“Nagkakabiruan nga ang mga katropa niya ngayon, sasakit daw ang bulsa ng male personality dahil may magaganap na mahalagang yugto sa buhay niya na kakain nang malaking halaga.

“Minsan lang naman siyang ikakasal, gagastusan na niya ‘yun kahit pa kakambal niya palagi ang calculator!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Morissette nagpakaplastik

MAY kalupitan kay Morissette Amon ang mga bashers. Tinanggap na ng kanyang producer ang panghihingi niya ng dispensa sa ginawa niyang pagwo-walkout sa concert pero parang hindi pa rin ‘yun sapat para sa mga hindi nagkagusto sa kanyang unprofessionalism.

Binago na nga ng iba ang titulong ibinigay sa kanya bilang singer, ang Asia’s Phoenix ay naging Asia’s Finish na, dahil sa ginawa niyang paglayas sa venue ng tinanguan niyang kumpromiso.

At may napansin ang mga kababayan natin, nang ipalabas ang video pagkatapos ng interview sa kanya ni Mario Dumaual ay yumakap pa pala siya nang nakangiti sa beteranong reporter, pero ilang minuto lang ay inuntog-untog na niya ang kanyang ulo sa dingding dahil nasaktan daw siya sa interview.

Sabi ng isang post sa social media, “Napaka-plastic din pala ng Asia’s Finish na ‘yun! Idinahilan pa niya ang interview, samantalang kitang-kita sa video na todo-ngiti pa siya at nagbeso-beso pa at yumakap sa nag-interview sa kanya!

“‘Yun ba ang devastated? Sana, pagkatapos ng interview, e, ipinakita rin niyang nasaktan siya, hindi ‘yung ganu’n na naka-smile pa siya habang yumayakap sa reporter!” may puntong pagpansin ng nagkomento.

Hindi mahihingi ni Morissette ang pang-unawa ng publiko, kusa na lang na mamamatay ang isyu kapag nagtagal na, umabot man nang ilang araw bago siya humingi ng paumanhin ay maganda na ring inamin ng singer ang kanyang pagkakamali.

Wala siyang ibang lulusutan, kahit saang anggulo daanin ang ginawa niyang pagwo-walkout ay maling-mali talaga ang pinaiiral niyang asal, tanging apology lang ang makapagsasalba sa kanya sa sitwasyon.