Matapos ang dalawang sunod na buwang may bawas-singil ang Meralco sa generation charge, nagmahal naman ang nabibili nilang kuryente mula sa mga power generator ngayong Nobyembre. Kaya kabuuang P0.1135 per kilowatt hour ang rate increase ng kompanya. Katumbas ito ng P23 sa regular household na kumokonsumo ng 200 kilowatt hour kada buwan.
Dagdag pasanin ito kay Juan dela Cruz lalo pa’t kakarampot lang ang P25 na umento sa sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila. Kaya kailangan talagang maghigpit nang sinturon. Kasama na riyan ang pagtitipid sa konsumo ng kuryente.
Ngayong magpa-Pasko, malamig na ang simoy ng hangin lalo na kung gabi. Makatitipid sa konsumo ng kuryente kung hindi na kayo gagamit ng electric fan o aircon. Buksan na lang ang mga bintana at kurtina para pumasok ang hangin sa bahay.
Sa gabi, makatutulong din kung aalisin sa plug ang mga appliance kabilang na ang mga pailaw gaya ng Christmas lights.
Huwag na huwag matutulog nang nakasindi pa ang mga pailaw. Patayin ito hindi lang para makamenos, kundi para siguradong ligtas kayo.
May kamahalan ang mga LED light kumpara sa mga regular na bumbilya. Pero kung gusto niyo talagang makatipid, you may want to start using LED lights. Nasa 3 watts lang ang mga LED light habang 24 watts ang normal na bumbilya.
Makatutulong din ang paggamit ng power board na may switch para madaling makontrol ang power supply sa mga appliance. Importante ring well-maintained ng mga appliance para sa optimal performance. Malakas kasi kumonsumo ng kuryente ang mga sirang kasangkapan.
Panatalihing malinis ang inyong refrigerator. Huwag hayaang kumapal ang yelo sa freezer at siguruhing walang sira ang gasket.
At kung mamamalantsa, huwag paisa-isa. Mas makatitipid kung isang bagsakan ang pagpaplantsa ng mga damit. Puwedeng once a week o kaya once a month.
Talaga namang walang puknat ang taas-presyo ng mga produkto at serbisyo. Ang sa akin lang, imbes na iasa natin lahat sa gobyerno – tayo na mismo ang gumawa nang paraan para makamenos lalo na ngayong magpa-Pasko kung kailan mas kailangang may pera tayo sa bulsa.