Inamin ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may sariling produksiyon at talamak na sa bansa ang lumalaganap na ‘kush’, isang mataas na uri ng cannabis na mas mahal ang presyo kumpara sa marijuana.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, lumalaganap na sa bansa ang kush na maliban sa mahal ang bentahan nito kesa sa marijuana ay mahirap ding matukoy sa surveillance.
Nabatid na ang kush ay matatagpuan sa Hindu Kush mountains sa border ng Afghanistan-Pakistan, isa sa ilang geographic regions kung saan tumutubo lamang ang halamang cannabis.
Ang pagkumpirma ng PDEA chief ay dahil na rin sa pagkakadakip kina Rajiv Gidwani, residente ng 12 Toledo St., corner Tagaytay St., Alabang Hills Village sa Barangay Cupang, Muntinlupa, at isang Jeremiah Carillo.
Sina Gidwani at kasama nitong si Carillo ang sinasabing nagsusuplay umano ng iligal na droga sa ilang celebrities at mga politiko kung saan kabilang sa nakumpiska sa kanila ang 13 transparent plastic sachet ng kush, na hybrid marijuana variety, at may timbang na 20.5 gramo; at isang silver sachet ng hashish na marijuana resin na may timbang na 25 gramo sa isang buy-bust operation sa Muntinlupa City.
Bukod sa kush, nasamsam pa sa mga suspek ang may 163 tableta at dalawang bote ng liquid form ng ecstasy, at mga drug paraphernalia.
Nabatid na inaresto rin ng mga awtoridad ang ama ni Gidwani na si Kishinchand, 63-anyos, matapos na magtungo sa tanggapan ng PDEA at tangkain silang suhulan ng P1 milyon at mga diamond kapalit ng pagpapalaya at pag-uurong ng kaso sa kanyang anak.