Kusinero tinadtad ng bala sa handaan

Dumanak ang dugo sa isang gaganaping handaan matapos tadtarin ng bala ng hindi nakilalang suspek ang naglulutong kusinero­ sa Sariaya, Quezon Linggo ng umaga.

Kinilala ng Sariaya police ang biktimang si Antonio Alcaide Sambile, 47, taga-Sitio Maharlika, Brgy. Montecillo.

Nangyari ang pamamaril sa compound ng isang bahay sa Barangay Montecillo kung saan ang biktima ang siyang ‘maestro-kusinero’ para sa mga bisita sa gaganaping reunion ng pamilya.

Sa kuha sa CCTV, nakitang nagpapahi­nga ang biktima sa kanyang tricycle na nakaparada sa compound ng bahay dakong alas-singko ng umaga nang dumating ang tatlong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.

Malapitang pinagbabaril ng mga ito ang biktima at saka mabilis na tumakas.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang pitong basyo ng kalibre 45 at 10 basyo ng 9mm na baril.

Ayon sa isang kabaranggay, noong Nobyembre 2, isang hindi nakilalang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang nagtanong kung saan ang bahay ng biktima.

Ayon umano sa estranghero, may atraso aniya sa kanya ang biktima nang hindi ito magbayad ng utang at mabigong ibigay ang ipinangakong sasabunging manok. (Ronilo Dagos)