Kuwait bumuwelta sa ‘Pinas; 2 Pinoy dinampot, kinasuhan

arrested-timbog-arestado-002

Dinampot ng mga pulis sa Kuwait ang dalawang Pinoy na domestic helper na umano’y kasama sa isinagawang rescue ope­rations ng Philippine Embassy sa bahay ng kanilang amo.

Ayon sa ulat ng Kuwait Times, ang dalawang Filipino na hindi binanggit ang pangalan ay kinasuhan ng ‘abduction’.

Ang dalawa ay nati­yempuhan sa parking area ng Kuwait airport kung saan kinumpiska din ang kanilang sasakyan.

Sa statement ng interior ministry, sa isinagawang interogasyon ay umamin umano ang dalawang Pinoy sa nagawang krimen at sa iba pang kahintulad nilang ginawa sa ibang bahagi ng Kuwait.

Ipinatatanggal na ng mga mambabatas ng Kuwait si Philippine Ambassador Renato Pedro Villa Jr., dahil sa ginawang rescue operations at mga ‘offensive remark’ nito laban sa Kuwait.

Umaasa naman si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Allan Peter Cayetano na maayos din ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng Kuwaiti go­vernment at ni Ambassador Villa.

Ayon kay Cayetano, tatlong beses nang ipinatawag ang ating ambassador sa Kuwait at kinukwestyon ang pagkilos ng ating embahada sa pag-rescue at kung tinutupad ang mga batas nila at kung may pag-abuso sa pagiging diplomat.

Ipinagtanggol naman ng kalihim ang ginawang rescue mission ni Ambassador Villa.

“Bakit tayo mismo ang nag-rerescue, kasi ito ay mga kaso na may grave danger, at puwedeng life or death ang pinag-uusapan sa OFW, kung patuloy ang pang-aabuso, kapag inantay ang normal na proseso, may katagalan, kung kaya’t may konsepto ng rescue” ani ni Ca­yetano.

Nag-ugat ang gulo dahil sa pag-upload ng video ng isinagawang rescue operation sa mga Filipina distressed domestic helper na ikinagalit ng mga Kuwaiti.

Nanindigan si ACTS-OFW Rep. Aniceto Bertiz III na hindi na dapat in-upload ang nasabing video dahil nalalabag ang privacy ng mga biktima. Sa kabila nito, tinukuran pa rin ng mambabatas si Villa dahil maaaring wala itong kinalaman sa pag-record ng pangyayari.

“I think the ambassador was not aware that the rapid response teams designated to help our distressed domestic workers were recording and uploading videos of their so-called ‘rescue mission’,” ani Bertiz.