Kuwento ng aswang, nabuhay na naman!

Mga ka-Misteryo, nabalitaan niyo ba ang sinasabing pag-atake ng aswang sa maraming ­alagang kambing at tupa sa Ilocos Norte?

Matagal ko na ring hindi natalakay ang ganitong paksa pero marami na akong nakausap noon na nagpapatunay na totoo ang mga ­‘aswang’ at pamoso dito ang isang lugar sa Visayas.

Sa katunayan, na­ging tampok pa nga ito sa isang pelikula ni Manilyn Reynes sa isa sa mga kuwento sa “Shake, Rattle, and Roll’ noong 1990 bagaman hindi binanggit ang eksaktong lugar kung saan isang barangay ay sinasabing ­pawang mga aswang.

Ayaw ko din banggitin ang saktong lugar para na rin sa kapakanan ng mga residente doon dahil bugbog na rin sila ng intriga noon hanggang sa unti-unti nang nabura ang masamang imahen nila sa tao.

Sa mga nakalipas na taon ay sinasabing umalis ng barrio ang mga tagaroon at sinasabing karamihan ay nagpunta sa mga lungsod bagaman ang iba ay lumipat ng ibang probinsya.

Naalala ko din ang pagtatapat sa akin ng isang binatilyo sa Southern Tagalog na silang magkapatid ay hinabol ng taumbayan kaya’t minabuti nilang manirahan sa bundok. Sa kasawiang palad ay natunton sila at napatay ang kanyang kapatid na ­babae.

Mula noon ay wala na akong balita pa sa binatilyo at hindi na rin siya nakipag-ugnayan sa inyong lingkod. Ngunit ang natanim sa aking isipan, ‘hindi nila ginusto ng kanyang kapatid na maging aswang dahil isinalin lamang ‘yun ng kanilang mga magulang. Inamin din niya na ‘pag sinumpong sila ay kanilang inaatake ang mga alagang hayop sa mga karatig lugar. Mas mabuti na aniya ito kesa tao ang kanilang mabiktima.

Marahil ganito ang nangyari sa isang barangay sa Laoag City ngunit iginiit ng lokal na beterinaryo na hindi aswang kundi mga aso ang umatake sa mga alagang kambing at tupa doon.

Pero heto ang siste mga ka-Misteryo, sinabi sa akin ng isang ­‘aswang hunter’ na ang mga nila­lang na ito ay ka­yang magpalit ng anyo o ‘shapeshifters.’ Ibig sabihin, puwede silang mag-anyong aso, baboy at iba pa.
Para sa inyong mga katanu­ngan at suhestyon, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com at bisitahin ang aking website: reytsibayan.com.