Madalas na pinaghahambing ng mga komentarista ang mga pangulo ng Pilipinas at Indonesia – sina Rodrigo Duterte at Joko Widodo, o “Jokowi.” Pareho silang nagsimula bilang mayor. Parehong mga “tagalabas” sa pulitika – hindi kabilang sa elitistang hanay ng mga politiko na kadalasang nagwawagi sa mga pambansang halalan. Parehong naluklok sa poder bilang presidente (si Jokowi noong 2014, Duterte noong 2016) lulan ng malawak na suportang popular na umaasa sa pangakong pagbabago.
Kung may (mababaw) na pagkakatulad man, pinakita ng ilang mga pangyayari nitong nakaraang mga linggo ang malaking pagkakaiba ng dalawa pagdatiing sa pagharap sa panghihimasok ng Tsina sa kanilang pambansang teritoryo sa South China Sea.
Noong Disyembre, pumasok ang mahigit 30 barkong pangisda ng Tsina, na may eskort na anim na barko ng China Coast Guard (CCG), sa karagatang North Natuna, malapit sa mga Islang Riau ng Indonesia, na saklaw ng Exclusive Economic Zone nito. Malinaw na hangarin ng Tsina, partikular sa pagpapadala ng kaniyang Coast Guard, na ipakita sa Indonesia at sa mundo na nasa loob ng kanilang “Nine-Dash Line” ang karagatang Natuna kaya may karapatan silang mangisda rito.
Mariin ang maging tugon ng gubyernong Jokowi. Pinatawag ang ambassador ng Tsina sa Jakarta at iginiit ng kanilang Foreign Ministry na walang ligal na batayan ang kanilang pag-aangkin. Binanggit pa nila ang desisyong naipanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague none 2016.
Samantala, nagpadala s Jokowi ng walong barkong pandigma at apat na fighter jet sa karagatang Natuna bilang pantapat sa mga barkong Tsino. Nagmobilisa at pinaghandaan ng gubyerno ang pagpapadala sa lugar ng 120 mangingisdang Indones. Dineklara ni Jokowi na “Walang anumang tawarang magaganap pagdating sa ating soberanya,” at bumisita sa mga isla sa Natuna noong Enero 8.
Ano ang resulta? Barilan at gera? Noong Enero 9, umatras sa labas ng karagatan ng Indonesia ang mga barkong Tsino.
Kumusta naman ang sariling atin na mayor na naging presidente? Sa halip na igiit ang ating soberanya, heto ang kay Duterte: “Kung gusto niyo, gawin niyo na lang kaming province, parang Fujian. Province of Philippines, Republic of China.” Joke lang daw, pero hindi ko na ililista rito ang bahag-buntot na asal ng administrasyong Duterte sa harap ng tuloy-tuloy na okupasyon ng Tsina sa ating karagatan.
Kung sa Indonesia ni Jokowi, pinalalayas ang CCG, dito sa Pilipinas, magiliw na sinasalubong sila ng administrasyong Duterte. Nakadaong sa Manila Bay ngayong linggo ang barkong 5204 ng CCG para sa isang “mapagkaibigang bisita” at pagsasanay kasama ng Philippine Coast Guard. Samantala, patuloy na nagpapatrolya ang mga barkong katulad nito sa Panatag at Ayungin, gumagamit ng dahas upang itaboy ang mga mangingisdang Pilipino sa sarili nating karagatan.
May dalawang mayor. ‘Yung isa tapat, ‘yung isa taksil sa bayan.