Hindi kulungan kundi kamatayan ang kinahantungan ng isang lalaki na ipinahuli ng nakababatang kapatid, nang barilin ito ng mga alagad ng batas makaraan umanong pumalag sa pag-aresto, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Valenzuela City Medical Center si Matt Vicente, 39, ng Brgy. Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod dahil sa mga tama ng bala mula sa .45 kalibre na baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Bago ang insidente, ganap umanong alas-siete ng gabi nang magkairingan si Vicente at ang mister ng nakababatang kapatid nitong si Marilou Galingsuga hanggang sa magsuntukan na ayon sa ilang mga kaanak ay dahil umano sa inggitan at droga.
Habang nagsusuntukan ay umawat ang ina ng mga ito dahilan upang ito ang masuntok ni Vicente. Nabuwal ang matanda at bumaldog ang ulo sa sementadong sahig at pumutok.
Doon na humingi ng saklolo sa mga awtoridad si Marilou upang makulong ang kanyang kuya. Ngunit pagdating ng mga alagad ng batas ay nanlaban umano si Vicente at armado ng patalim ay tinangkang saksakin ang isa sa mga pulis. Kaya napilitan umanong paputukan ng mga pulis si Vicente.
Agad itong isinugod sa nasabing pagamutan ng pulisya kasama ang nakasuntukang bayaw ngunit nasawi sa biyahe.
Taliwas ito sa pahayag ng ibang kaanak ng biktima at mga nakasaksi na tumangging magpakilala. Anila, pagdating ng mga alagad ng batas ay pwersahang pinasok ang bahay ni Vicente at nang makita ito ay sinabi umano ng isa sa mga pulis na, “Bakit mo itinulak ang nanay mo?!”.
Sinagot ito ni Vicente ng “Aksidente lang Sir, hindi ko sinasadya, nag-aaway kasi kami ng kapatid ko”.
Iyon umano ang huling beses na narinig nila ang boses ni Vicente at sumunod ay mga putok ng baril.
Matapos iyon ay hindi rin umano agad na pinapasok ng mga pulis ang mga kaanak ni Vicente at sinabi lamang umano na may sumpak ito at nakitaan din ng mga pakete ng shabu.
Nang isusugod na umano ito sa pagamutan ay pinabuhat umano si Vicente ng mga pulis sa bayaw nitong nakasuntukan ngunit hindi naman umano agad dinala sa emergency room.
Ayon pa sa mga kaanak ng nasawi, imposibleng may sumpak ito at may mga shabung na-recover sa bahay ni Vicente dahil tumigil na ito sa iligal na gawain nang sumuko sa Oplan Tokhang.
Napag-alamang nasa drug watch list ng Valenzuela City Police ang nasawi.
TAMA LANG YAN SA KAPATID MO…DAHIL ANG PINILI NYA AY BATAS NG DIMONYO NG KASAMAAN….KAYA WALA SIYANG KARAPATAN NA MABUHAY NA KASAMA NG MGA MABUBUTING NILALANG SA LUPA..
abdul jacol…taga saudi ka
KASALANAN NI DE LIMANG MAHILIG ‘YAN!